HINDI natin masisisi ang mga magulang na kabilang sa League of Parents of the Philippines (LPP) na manawagan sa mamamayang Filipino na labanan ang Communist party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF) dahil sa sobrang pagmamahal sa kanilang mga anak.
Ayaw ng LPP na mamundok at humawak ng mga baril ang kanilang mga anak bilang miyembro ng NPA dahil walang maidudulot na magandang buhay sa kanila ang pagtira sa kabundukan o liblib na lalawigan.
Wasto ito, sapagkat maraming malinis, maayos at mapayapang paraan upang batikusin o tawagan ng pansin ang pagkukulang ng pamahalaan.
Pakatandaan, ang mga magulang ay nahihirapan din sa mga kapalpakang matagal nang nagaganap sa ating bansa, ngunit hindi sila sumasali sa anomang legal na organisasyon ng CPP-NPA-NDF tulad ng KMU, Bayan Muna, KMP, Bayan, Gabriela, Anakpawis, PISTON at iba pa.
Maling-mali kasi ang isinusulong ng CPP, NPA at NDF na “pambansang demokrasya” sa pamamagitan ng pagsusulong ng “armadong pakikibaka” na nakapaloob sa konseptong “pangmatagalang digmaang bayan” na isaksak sa isipan ng kabataan na tratuhin ang kanilang mga magulang na hindi pag-aari ang kanilang anak kundi anak o pag-aari sila ng lipunan.
Hindi tamang maging NPA ang mga estudyanteng narerekrut ng Anakbayan, League of Filipino Students (LFS), National Union of Students of the Philippines (NUSP) at iba.
Kahit si Rep. Sarah Jane Elago ay hindi naman nagpadestino sa NPA kundi nagsilbi siyang kinatawan ng Kabataan party-list sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Si Terry Ridon ay hindi rin naging NPA upang isulong sa kanayunan ang armadong pakikibaka matapos ang kanyang termino bilang kinatawan ng Kabataan sa Kamara de Representantes.
Si Terry ay itinalagang tagapangulo ng Presidential Commission on Urban Poor (PCUP) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi nagtagal si Terry sa PCUP, sapagkat tinanggal siya ni Duterte dahil sa katiwalian at korapsyon.
Kahit si Tedy Casiño ay hindi namundok upang humawak ng baril matapos ang kanyang termino sa Kamara bilang kinatawan ng Bayan Muna at matapos hindi nanalong senador noong halalang 2013.
Hindi rin pinasali ni Casiño ang kanyang mga anak sa NPA.
Ang balitang umikot sa social media ay nag-aaral sa De La Salle University (DLSU) ang kanyang mga anak.
Kaya, nanawagan ang LPP sa mamamayan na labanan ang CPP-NPA-NDF! (Hagupit ni Batuigas / MARIO B. BATUIGAS)
