(NI NOEL ABUEL)
PINAGSUSUMITE ng Senado sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Transportation (DOTr) ang short at long term solution sa problemang dinaranas ng mga motorista sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
Ito ang ipinaalala ni Senador Grace Poe sa susunod na pagdinig ng Senate committee on public services sa Setyembre 10 kaugnay ng panukalang pagbabawal sa mga provincial buses na dumaan sa EDSA.
Kabilang sa inaasahan ni Poe na dadalo sa public hearing sina Transportation Secretary Arthur Tugade, Metro Manila Development Authority (MMDA) chair Danilo Lim at Land Transportation Franchising and Regulatory Board chair Martin Delgra III.
“The traffic in the country is a situation that requires all hands on deck. We need all the help we can get,” sabi ni Poe, chair ng nasabing komite.
Paliwanag pa ni Poe na pag-aaralan ng mga senador kung pagkakalooban ng Kongreso ang MMDA ng mas malawak na responsibilidad para maisaayos ang problema sa trapiko sa mega-Manila areas.
“Araw-araw na nagtitiis ang ating mga kababayan sa kalsada. Huwag naman sanang dumating ang araw na mas maraming oras pa tayong nasa kalye kaysa sa trabaho o pamilya. ‘Pag umulan nga lang, minsan halos abutan na tayo ng umaga sa daan. Kulang na lang tumira tayo sa kalye,” paliwanag pa ni Poe.
“Lahat tayo ay sabik na sabik na makakita ng solusyon sa problemang ito. Kailangan tamang plano at tamang direksyon ang gagawin natin,” dagdag nito.
175