NAKALIPAD NA, PAANO NA IYAN?

SA TOTOO LANG

Masama at masakit na balita.

Inihayag kahapon ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nakarating sa kanila ang balita na ilan sa mga napalayang mga bilanggo dahil sa Good Conduct Time Allowance ay wala na sa Pilipinas. Ito ay mga nakalipad na sa ibang bansa at tuluyan nang nagpakalaya-laya.

Paano na iyan? Sana bumalik sila o mapabalik ng ating pamahalaan at harapin ang kanilang isyu sa bansa. At kung hindi sila makababalik, parang pinalaya na lamang basta ang karapatan at hustisya sa mga biktima ng krimen.

Napakasakit na balita ito lalo na sa mga naging biktima ng mga nagkasala sa kanila. Kasingsakit din ito na dinadala ng mga pamilya ng mga biktima.

Ayon sa Bureau of Corrections nasa 22,049 persons deprived of liberty ang nakalaya na mula 2014 hanggang sa taong ito. Ang paglaya nila ay batay sa GCTA. At sa naturang bilang 1,914 ay nakulong dahil sa karumal-dumal na mga krimen. Ang mga krimen na ito ay tulad ng pagpatay at panggagahasa, bagay na ikinagalit ng publiko na ganito pala ang naging kaso pero maluwag na nabigyan ng karapatang makalaya.

Sa naturang pahayag ni Año mayroong pag-asa na mapabalik ang mga napalaya dahil sa GCTA. Sana.

Ang Philippine National Police ay nakikipag-ugna­yan ngayon sa Interpol o International Criminal Police Organization para mapabalik ang mga napalayang bilanggo sa pamamagitan ng extradition.

Tumugon naman umano ang Interpol sa naturang isyu.

Noong Miyerkoles lang ay nagbigay ng ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga bilanggo na napalaya dahil sa GCTA. Binigyan sila ng 15 araw para muling humarap sa awtoridad para kaharapin muli ang kaso nila. Kung hindi sila susuko ay ituturing silang mga pugante ng batas.

Sa pinakahuling balita ay halos 80 napalayang bilanggo pa lamang ang mga sumuko, una na rito ang napabalitang 86-anyos na lalaki na inihatid o sinamahan ng kanyang pamilya para harapin ang isyu sa pamahalaan. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

254

Related posts

Leave a Comment