DEFENSE CHIEF WALANG ALAM; AFP-DITO TELCOM DEAL BUBUSISIIN

lorenzana55

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

NAIS ni Senador Risa Hontiveros na imbestigahan ng Senado ang sinasabing kasunduan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at ng Dito Telecommunity Corporation o ang dating Chinese telecommunications firm na Mislatel Consortium.

Sa kanyang Senate Resolution 137, iginiit ni Hontiveros na nalagay sa panganib ang national security ng bansa dahil sa kasunduan na maglalagay ang Chinese consortium ng kanilang equipment sa military bases sa bansa.

Una nang inamin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi niya alam ang kasunduan.

Sinabi ni Hontiveros na ito na ang ikalawang beses na nagiging clueless si Lorenzana sa mga Chinese deals na may seryosong implikasyon sa national security.

Ipinaalala ng senador na hindi rin kinonsulta ang kalihim sa security issues hinggil sa plano ng Chinese firms na i-develop ang tatlong Philippine islands,na itinuturing ni Hontiveros na strategic maritime fronts.

“Is there now a ‘sign first, worry about security later’ policy under this administration? Ito na ang pangalawang beses na hindi nakonsulta ang defense secretary tungkol sa mga diumanong Chinese deals na pinapasok ng ating pamahalaan na may seryosong implikasyon sa ating pambansang seguridad,” saad ni Hontiveros.

“Sa isang panahon na patuloy ang panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea, napaka-iresponsable na pumasok tayo sa mga kasunduan sa kanila na hindi sinusuri ang epekto nito sa ating pambansang seguridad at kaligtasan,” dagdag ng senador.

Sinabi ni Hontiveros na dahil sa probisyon sa kasunduan na itatayo ang mga telecommunications infrastructure ng kumpanya sa mga uupahan nilang military bases, malaki ang posibilidad ng espionage at iba pang security risks.

“There is an urgent need to determine whether or not the presence of Chinese facilities in military bases and installations undermines national security and whether or not the lease agreements entered into for this purpose comply with applicable law,” diin ni Hontiveros.

Iginiit ng mambabatas na posibleng paglabag sa Section 88 ng Public Land Act ang probisyon sa kasunduan hinggil sa pag-upa sa mga military bases gayundin sa AFP Modernization Act.

 

309

Related posts

Leave a Comment