(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NANININIWALA si Senador Win Gatchalian na ang pangangalaga sa kapakanan ng mga opisyal ng barangay ay magdudulot ng mas maayos na trabaho ng tinatawag na frontliners ng gobyerno.
Sa pagdinig sa Senate Bill 366 o Magna Carta for Barangay Officials, iginiit ni Gatchalian na kailangang magbigay ng plantilla positions sa mga tauhan ng barangay na karamihan pa ay napag-iinitan pa ng ilang pulitiko.
“Ngayon ho kasi, and nangyayari, the barangay officials are just receiving allowances instead of a regular monthly pay check,” saad ni Gatchalian.
“Biruin mo, sila po ang nasa frontline service natin, kung may problema tayo, sila po agad-agad nalalapitan, pero ‘di po pala sila tumatanggap ng sahod, kundi konting allowances pa, depende pa sa kakayanan ng munisipyo o lungsod na nabibilangan nila,” diin ng senador.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na batay sa kanyang panukala, dapat maging regular employees ng gobyerno ang Punong Barangay, Barangay Kagawad, ang Treasurer at Secretary at dapat magkaroon sila ng allowances at benefits sa mga miyembro ng lupon tagapamayapa, mga tanod.
Sa panukala, ang Punong Barangay, Barangay Kagawad, Secretary at Treasurer ay bibigyan ng salary grades 12, 10, 8, at 8; palalawigin din ang term limit mula tatlong taon hanggang limang taon at pagkakalooban ng capacity development at training programs.
Sa pagtaya ng senador, aabutin sa ₱10.7 billion kada buwan o ₱129 billion kada taon ang kailang upang pondohan ang sahod ng mga barangay captain, barangay kagawad, treasurers, at secretaries; gayundin sa allowances ng mga miyembro ng lupon tagapamayapa at tanod, sa 42,000 barangays.
184