(NI DANG SAMSON-GARCIA)
MULING nag-init ang ulo ni Senador Cynthia Villar nang mabatid ang isyu ng underspending sa implementasyon ng Sugarcane Industry Development Act (SIDA).
Sa gitna ito ng pagdinig ng Senate Finance Subcommittee sa panukalang budget ng Department of Agriculture (DA) at mga attached agencies nito para sa 2020.
“Dapat barilin kayo sa Luneta,” inis na pahayag ni Villar sa mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration.
Iginiit ni Villar na dahil sa underspending, mula P2 billion, ibinaba sa P500 million ang pondo para sa SIDA sa susunod na taon.
“My God, how can you underspend? Bakit n’yo pa pinasa sa amin ‘yung Sida law tapos hindi n’yo pala gagastahin?” saad ni Villar.
“Nahirapan pa kaming nagpasa. Sumama pa ang loob namin dahil akala namin nakatulong na kami sa sugar farmers, ‘yun pala hindi naman pala gagastahin. Eh bakit ipinasa ‘yung batas?” dagdag pa nito.
Matatandaang sa hearing din noong isang buwan, pinagalitan ni Villar ang mga opisyal ng SRA dahil sa kabiguang magastos ang pondo na nakalaan para sa Sida.
183