(NI DANG SAMSON-GARCIA)
HINIMOK ni Senador Risa Hontiveros ang gobyerno na maglabas ng pondo para sa subsidiya sa bigas at pag-aralan ang implementasyon ng palay-buying operations upang matulungan ang mga magsasaka na naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng palay.
Sa kanyang Senate Resolution No. 152, sinabi ni Hontiveros na dapat magpatupad ng emergency measures upang matugunan ang tinawag na ‘economic shock’ sa mga magsasaka sa gitna ng kinakaharap nilang krisis.
“It has since become evident based on government data and testimony from palay farmers themselves that the mismanagement by relevant officials and delayed launch of rice competitiveness enhancement program and safety nets for farmers has meant that things will become far worse for our rice farmers before they become better,” saad ni Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na kabilang sa mga hakbangin na dapat gawin ng pamahalaan ay i-release ang natitirang pondo sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) noong 2019 national budget at 2019 rice import tariff revenues na tinaya sa pagitan ng P3.5 billion at P6.5 billion at ipamahagi bilang direct cash assistance sa mahihirap na magsasaka.
Inirekomenda rin ng mambabatas ang paglalaan ng P5 bilyon kada taon na suporta sa mahirap na magsasaka.
Ikonsidera rin anya ang pagbili ng National Food Authority (NFA) ng palay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng available funds.
Nais din ni Hontiveros na ipatupad ng Malacanang ang safeguard duties na dapat iangat sa 80% ang taripa sa rice imports.
130