IBANG GALAWAN SA LOOB

SA TOTOO LANG

Sa pagdinig ng Senado hinggil sa alegasyon ng iregularidad sa Bureau of Corrections partikular sa New Bilibid Prison (NBP), iba’t ibang katiwalian at negatibong “mahika” ang nagaganap dito.

May ibang galawan talaga sa loob.

Nakapagtataka na may mga bilanggo na basta na lamang nagpapadala sa NBP hospital gayong may mga mas karapat-dapat na magpagamot o magpagaling sa mga ito.

Ngunit nagiging malinaw din sa mata ng publiko na kahit saan ay madaling malusutan ang batas o ang regulasyon basta para-paraan lamang.

Oo naman. Ano pa bang bago? Lalo pang lumalabas ang katotohanan na ang nagpapagamot at nagpapadala sa NBP hospital ay mga presong may kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Matatawa kayo dahil hindi basta ilang oras o araw ang inilalagi ng mga “kakaibang” bilangggong ito kundi bumibilang ng ilang buwan sa nasabing ospital.

Sa puntong ito dapat talagang kuwestyonin ang doktor o mga doktor na basta na lamang nagbibigay ng “go signal” para magpa-confine ang mga hari sa bilangguan.

Sana ang mapatutunayang doktor o mga doktor na gumagawa ng kamalian ay tunay na dapat na matanggalan ng kani-kanilang lisensya mula sa Professional Regulation Commission. Hindi naman pwedeng dahil pera-pera at para-paraan na kumita sa loob ay may laya silang gawin ito. Nasaan naman ang delicadeza niyan?

Sa nangyayari, kawawa tuloy ang mga presong tunay na nangangailangan ng atensyong medikal at mas kailangan ng hospital confinement.

Naroon ang katotohanan na maraming preso ay may sakit tulad ng tuberculosis at iba pa. Sila ang mga nagkakasakit dahil na rin sa overcrowding sa loob.

Katunayan, may 20 porsyento ng populasyon ng mga bilanggo ay mga basta namamatay na lamang kada taon. Paano ba naman, anong nutrisyon ang makukuha nila sa mga pagkaing hindi naman talaga pagkaing maituturing? May namamatay din sa away.

Nakalulungkot na katotohanan. Bawat isa sa atin ay bilanggo – resulta ng kalokohang pinaiiral ng mga nasa posisyon sa gobyerno o institusyon. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

334

Related posts

Leave a Comment