MAGSASAKA PINAHIHIRAPAN BAGO PAUTANGIN

(Ni BERNARD TAGUINOD)

Pinapahirapan muna ang mga magsasaka bago sila mapautang ng gobyerno sa ilalim ng Rice Tariffication Law kaya marami ang umaatras lalo na ang mga tenant o nakikisaka lang.

Ito ang napag-alaman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas habang nasa gtina na ng pangangalap ng lagda ang kanilang mga kaalyado upang maipabasura ang nasabing batas.

“Ang mga magsasaka natin ay pinapahirapan bago maka-avail ng pautang sa kanila,” ayon kay Brosas kaya nagrereklamo umano ang mga rice farmers sa lahat ng panig ng bansa.

Nabatid sa mambabatas na bago mapautang ang mga magsasaka ay kailangang magsumite muna ang mga ito ng application form, community tax certificate, 3 kopya ng 1×1 IDs, pinapakuha ng Passbook sa National Food Authority (NFA) at certification of land holding mula sa Municipal Agriculture Office.

“So alam niyo kung gaano kahirap ano, sa mga magsasaka natin, ang kanilang pinagdadaanan bago sila mapautang,” ani Brosas kaya marami sa mga ito aniya ang nagdadalang isip na umutang.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law, naglaan ang gobyerno ng P1 Billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para ipautang sa mga magsasaka.

Bukod dito, pauutangin din umano ang mga magsasaka ng tig-P15,000 o ang tinatawag na Sure Aid, subalit sangkatutak na dokumento umano ang kanilang kailangang isumite muna bago sila asikasuhin.

Dahil dito, sinabi ni Brosas na dapat ibasura umano ang nasabing batas dahil pahirap lamang aniya ito sa mga magsasaka at tanging ang mga rice importers lang ang nakikinabang.

Simula nang ipatupad ang nasabing batas ay bumagsak na sa P7 hanggang P10 ang presyo ng palay mula sa dating P22 kada kilo kaya marami umano sa mga magsasaka ang naghihirap na.

205

Related posts

Leave a Comment