IMPORTER, CONSIGNEE NG PEKENG SIGARILYO TUMBOK NG NBI-SAU AT CUSTOMS

SIGARILYO-3

(Ni HARVEY PEREZ)

Sentro ng isinasagawang magkahiwalay na imbestigasyon ngayon ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) kung paano nakapuslit ang humigit kumulang sa P4 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo na nasamsam sa Binondo, Maynila.

Partikular na aalamin ng mga nabanggit na investigating team  kung may kasabwat mula sa Bureau of Custom (BOC) ang consignee at importers ng mga pekeng sigarilyo na idineklara bilang tissue paper mula sa Vietnam.

Alinsunod na rin ito sa impormasyon na ang kargamento ay sumailalim sa spot check pero nakalabas ng Port of Manila.

Gayundin, aalamin kung lumabag sa tax evasion ang consignee ng kontrabando.

Nabatid na sinalakay noong Miyerkoles ng mga tauhan ng Office of the Collector sa Port of Manila, Custom Police at CIIS ang mga pekeng sigarilyo at naka consign sa isang Oroeight Yeight Marketing na may tanggapan sa RM 232- C Regina Bldg. sa Escolta, Maynila.

Nalaman din na ipinoproseso umano ang mga pekeng sigrailyo ng broker na si Teodora Lacerna Braceros na may tanggapan sa 3169 Pook Real St.Quirino Avenue, Tampo.

Ayon sa nakalap na impormasyon, ang kargamento ay sumailalim sa spot check at nang ito ay nabuksan ay nakitang mga sigarilyo ang laman at hindi tissue paper.

Una na umanong nagsagawa ng entrapment ang NBI-SAU sa mga Chinese  na sina Jiawei Wu at Jiang Han Xiang sa Muella dela Indutria St. Binondo noong Martes ng gabi kung saan dinala ng mga suspek ang P100,000 halaga ng pekeng sigarilyo.

Ito ay matapos makatanggap ng impormasyon na may gumagawa at nagbebenta ng pekeng sigaril¬yo sa Binondo kung kaya’t nagsagawa ng test buy ang NBI-SAU.

Matapos silang makakuha ng sertipiko na peke ang mga nabiling sigarilyo sa test buy ay agad ikinasa ang entrapment operation.

Nabatid sa ulat ng NBI, P1.4 milyong halaga ng pekeng sigarilyo ang nabili nila sa mga suspek na dinala sa kanila sa Muelle Dela Industria St. Martes nang gabi.

Nasa 88 kahon ng pekeng sigarilyo ang nasamsam ng NBI na may market value na P4.4 milyon.

183

Related posts

Leave a Comment