(NI AMIHAN SABILLO)
MAS epektibong nagagampanan ng PNP-IAS ang tungkulin noong panahon ni dating PNP Chief at ngayon ay Senador Ronald Bato dela Rosa kumpara sa pamumuno ng umalis na PNP chief Oscar Albayalde.
Ito ang pag-amin ni PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, noong panahon ni Delarosa, dinidirekta nila ang kanilang mga desisyon sa mga kaso ng mga nagkasalang pulis sa PNP Chief, at pinipirmahan ito ni Delarosa ora-mismo para agarang maipatupad.
Subalit nagbago umano ang sistema at sa halip na dumeretso ang kanilang mga desisyon sa PNP chief ay dumadaan muna ito sa Discipline and Law and Order Division o DLOD ng Directorate for Personnel amd records management o DPRM Kaya nababalam o napapatagal ang proseso.
Sinabi pa ni Triambulo, dahil dito, 30 porsyento lang ng kanilang desisyon ang na-implement at ang iba ay na-reverse pa.
Iginiit pa ni Triambulo, mas makabubuti kung ihiwalay na sa PNP ang IAS, at isailalim sa DILG, at bigyan sila ng ‘adjudicatory’ power upang maging final and executory na ang kanilang mga desisyon.
Dagdag ni Triambulo, kung mapapasailalim sa DILG ang IAS, ay mababantayan na rin ang Bureau of Fire Protection at Bureau of jail management and penology na walang mga sariling internal affairs service sa kasalukuyan.
Ang PNP internal affairs service ang nag-iimbestiga sa mga kaso ng katiwalian o kapabayaan sa trabaho ng mga pulis, at nagrerekomenda ng kaukulang parusa.
158