(NI BERNARD TAGUINOD)
MAHIGIT 5,000 kabahayan sa 11 barangay sa Rizal at Quezon province ang masasagasaan kapag tuluyang itayo ang Kaliwa Dam sa nasabing mga lalawigan na popondohan ng gobyerno ng China.
Ito ang nabatid kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat matapos bigyan ng Deparment of Environment and Natural Resources (DENR) ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang nasabing proyekto.
Dahil dito, umapela si Cullamat sa National Commission on Indigenous People (NCIP) na huwag bigyan ng Free Prior and Informed Consent (FPIC) ang nasabing proyekto.
“Nasaan ang NCIP ngayon sa usapin ng Kaliwa dam? Alam na ba ng NCIP ang kalagayan nitong 5,173 kabahayan sa 11 barangay at 1 sitio sa Tanay,Rizal, at Gen.Nakar na direktang apektado sa pag tatayo ng Kaliwa Dam,” ani Cullamat na mula sa katutubong Manobo.
Sinabi ng mambabatas na libong pamilya na pawang mga katutubong Dumagat, ang maapektuhan sa nasabing proyekto at malamang na paalisin ang mga ito sa kanilang lupa ng kanilang mga ninuno.
“Marami sa mga pamilyang maapektuhan ay mga Dumagat at ang tindig ng NCIP ay magiging sukatan kung talagang ipinagtatanggol nito ang mga kumunidad kabuhayan at tirahan ng mga katutubo,” ayon pa sa lady solon.
NASA FAULTLINE?
Masidhi rin ang pagtutol ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, hindi lamang dahil ibabaon ng proyektong ito ang mga Filipino sa utang sa China at mawawalan ng karapatn ang mga katutubong Dumagat sa kanilang sariling lupa, kundi dahil sa ibabaw umano ng Faultline ang itatayo ang Kaliwa Dam.
“It seems that the Duterte administration is hellbent to push through with the Kaliwa dam even if it located over a fauly line,” ani Zarate kaya kahit maitayo umano ang proyektong ito ay masisira din kapag nagkaroon ng malakas na lindol.
Dahil dito, nagdududa ang mambabatas kung bakit nais pa ring ituloy ng Duterte administration ang nasabing proyekto gayung panganib ito at ang pangako nila ng para ito sa karagdagang supply ng tubig sa Metro Manila ay posibleng hindi mangyari.
156