(NI ABBY MENDOZA)
MATAPOS udyukan na pangalanan ang brand ng processed meat products na nagposito sa African Swine Fever (ASF) virus, inamin ng Department of Agriculture (DA) na ito ay pawang mga homemade.
Kasabay nito, umapela ang DA sa mga backyard hog raisers na maging responsable at huwag ibenta ang kanilang mga baboy na infected ng ASF habang sa mga gumagawa ng homemade na processed meat products ay pinayuhang bumili lamang ng kanilang karne sa mga meat shop na may NMIS certification.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Noel Reyes, ang homemade na tocino, longganisa at hotdog na nagpositibo sa ASF ay nakumpiska nila sa isang traveller na nanggaling sa Metro Manila at nagtungo sa Calapan, Mindoro.
“We’re able to apprehend a traveler carrying packets of processed products mostly homemade at ito’y tested positive of African swine fever. Ito po’y nangyari noong unang linggo ng October. October 6, to be exact,” paliwanag ni Reyes.
May isang pakete na nakumpiska sa traveller ang branded ngunit tumanggi si Reyes na pangalanan ito dahil kanila pang inaalam katuwang ang Food and Drugs Authority (FDA) at National Meat Inspection Service (NMIS) kung maaaring nakontamina lamang ang branded na pakete mula sa mga kasama nitong homemade na kontaminado na ng ASF.
“Test samples collected from one branded and 2 unbranded processed meat products were placed in the same container, making cross contamination possible.Kaya po hindi natin maa-attribute na ‘yung branded na sinasabi ay siya po ang source, baka po na-contaminate sa container na ‘yun,” paliwanag ng DA.
Sinabi ni Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan na premature pa na tukuyin ang brand dahil kailangan pa din na suriing mabuti para ito ay mapatunayan at ang Food and Drug Administration (FDA) na ang syang may hurisdiksyon dito bilang processed na ang karne.
“ Before brands are named, samples must go through testing like the Polymerase Chain Reaction (PCR) and viral isolation to establish the presence of ASF and whether the virus was still alive or dead.These are processed meat at ang may mandate po dito will be the Food and Drug Administration,” paliwanag ni Cayanan.
Nilinaw ng DA na kung nakakain man ng processed meat na kontaminado ng ASF ay walang dapat na ipangamba dahil hindi nalilipat ang virus sa tao gayunpaman hindi umano nila inaadbokasiya na okay lamang na kumain ng infected.
201