(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI na kailangang dumaan sa masusing pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapatibay sa panukala na magkaroon ng Department of Disaster Resilience sa gitna ng sunod-sunod na paglindol.
Ginawa ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang nasabing pahayag matapos yanigin ng 6.6 magnitude na lindol ang Tulunan, North Cotabato, Martes ng umaga.
Ayon sa mambabatas, maaaring gamitin ng Kamara ang Rule 48 kung saan ang mga panukalang batas na naipasa na noong nakaraang Kongreso ay otomatiko ng aprubado.
“Madalas tumama ang malalakas na lindol sa amin sa Mindanao dahil maraming earthquake fault dito sa ilalim ng lupa at ilalim ng dagat. Ramdam namin ang matinding pangangailangan para sa isang Department of Disaster Resilience,” ani Fortun.
Bago ang lindol sa Tulunan, North Cotabato ay nagkaroon din pagyanig sa Davao del Sur at North Cotabato noong Oktubre 16 na ikinamatay ng 5 katao at pagkasugat ng maraming iba pa bukod sa pagkasira ng mga ari-arian at imprastraktura.
“Last July 13, Butuan and Agusan del Norte felt at Intensity V a magnitude 5.5 earthquake with epicenter in Carrascal, Surigao del Sur,” anang mambabtas kaya kailangan na umano ang nasabing departamento lalo na ang lindol ay walang nakakaalam kung kailan darating.
“Ang mga bagyo at El Niño kahit papaano napaghahandaan, pero ang lindol biglaan at gulatan kaya dapat laging handa,” ayon pa sa mambabatas at malaki umano ang maitutulong ng departamento sa paghahanda sa ganitong kalamidad kaya dapat na umanong itatag ito.
Dahil dito, dapat na aniyang ipasa ng Kamara ang nasabing panukala gamit ang Rule 48 upang magkaroon ng sapat na panahon ang Senado para simulan ang pagdinig sa kanilang bersyon dito matapos mabigo ang mga ito na maipasa ang nasabing panukala noong nakaraang Kongreso.
Sinabi naman ni House Speaker Allan Peter Cayetano na kabilang ang nasabing panukala top priority ng Kamara bukod sa Department of OFW department at Department of Water.
400