(NI NOEL ABUEL)
MALAKING pondo ang inilaan ng Senate finance committee sa mga ahensya ng pamahalaan sa edukasyon, at kalusugan.
Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara, chairman ng nasabing komite kung saan kasama sa binigyan ng malaking pondo ang Commission on Higher Education (CHED) para sa Student Financial Assistance Program na nasa P8.5 bilyon.
Kahalintulad ding halaga ang idinagdag sa susunod na taon sa implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Dinagdagan din ang pondo para sa state universities and colleges (SUCs) at sa UP System na nasa P116 milyon.
“Naglaan din tayo ng P167 million para magkaroon ng cash grants ang ating mga medical scholars sa mga SUCs,” sabi ni Angara.
Sinabi nito na nagkaroon ng ‘bi-partisan consensus’ para madagdagan ang pondo para sa pagsasaayos ng mga eskuwelahan na nasira ng nakalipas na lindol, gayundin ang pagkakaloob ng pondo sa school vouchers, free college, school feeding, at tulong sa mga indigent patients, at ang pagpapadala ng Pinoy nurses, doctors sa malayo at mahirap na lugar sa bansa.
Nagkasundo rin sina Senador Pia Cayetano at Senador Ralph Recto, na dagdagan ang pondo ng DepEd na nasa P6.2 bilyon na naglalayong mapigilan ang pagbaba ng bilang ng mga senior high school students gamit ang government vouchers.
Naglaan din ng pondo para sa health expenditures na nasa P9.439 bilyon na magagamit ng mga mahihirap na pasyente sa pribado at pampublikong ospital sa bansa.
At upang maiwasan ang mass layoff ng mga nurses, doctors, midwives at iba pang health professionals sa malalalayong lugar ay nagkasundo ang mga senador na paglaanan ng P7 bilyon para sa suweldo ng mga ito hanggang sa taong 2020.
“We are also funding affordable but critical medical projects, like a 24-hour Mental Health Hotline to be manned by qualified health professionals,” ani Angara.
Samantalang sa panig ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), paglalaanan ito ng P108.7 bilyon.
Pinasalamatan ni Angara si Senador Imee Marcos sa suporta nitong dagdagan ang pondo ng Supplementary Feeding Program ng DPWH na mula sa P3.6 bilyon ay naging P6.6 bilyon para mapakain ng masustansyang pagkain ang mga pre-school, kindergarten at public day care centers.
170