MALIBAN sa gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games, target din ng Philippine swimming team na mag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics.
Sinabi ni Philippine Swimming Inc. president Lani Velasco, malaki ang pag-asang matuldukan na ang 10-year gold medal drought ng bansa sa darating na biennial meet.
Huling nanalo ng medalya ang bansa noong 2009 SEA Games kung saan naka-bronze sina Miguel Molina (2), Ryan Arabejo at Daniel Coakley.
Naniniwala si Velasco na “promising” ang kasalukuyang grupo ng national swimmers na sasabak sa SEA Games sa December 4 hanggang 9 sa New Clark City sa Tarlac.
Ang 2019 SEAG ay magsisilbi rin qualifying meet para sa Tokyo Olympics sa susunod na taon kaya’t umaasa si Velasco na mago-all out sa kanilang competitions ang swimming team ng bansa.
Dalawang swimmers ang lalaban sa open water, tatlo sa diving at 26 sa men’s at women’s water polo competitions, na gaganapin sa November 26 o apat na araw bago ang opening ceremony
Kabilang sa mga inaasahang magpoprodyus ng medalya sa biennial meet sina US-based swimmers James Deiparine, Remedy Rule, Jarod Hatch, Luke Gebbie at homegrown bet Gerard Jacinto.
Magko-compete din sina Olympians Jessie King Lacuna at Jasmine Alkhaldi para sa Pilipinas.
Ang galing Seattle na si Deiparine ay lalahok sa back stroke events. Nanalo siya ng dalawang silver medals sa 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur.
Unang pagkakataon naman na irerepresent ang Pilipinas ng mula Texas na si Rule, habang magmumula sa Australia si Gebbie, na pasok na sa Olympic qualifying B meet sa 100-meter freestyle.
Galing naman sa training camp sa United States si Jacinto na nakakuha ng scholarship sa Texas A&M kahit kadarating lang niya doon noong September.
Pinakamagandang performance sa swimming ng Pilipinas ay noong 1991 SEA Games kung saan nanalo ng limang ginto si Eric Buhain mula sa kabuuang 10 golds ng buong team. Nakaapat na ginto naman ang bansa noong 2005 SEAG edition, huling beses na naging host ang Pilipinas ng biennial meet.
155