(NI NOEL ABUEL)
TUTOL ang ilang senador sa panawagan ng mga kongresista na bigyan ng emergency power si Pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng pagkakaantala ng mga proyekto na kabilang sa Build, Build, Build projects ng pamahalaan.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, nangangamba ito na posibleng maabuso ang emergency power kung kaya’t hindi nito susuportahan ang panawagan ng mga kongresista.
“Hindi ako sang-ayon sa emergency powers dahil isa sa pinakadelikado diyan ay wala nang bidding. So, for example meron kang malaking proyekto hindi mo na kailangan mag-bidding at makakapili ka kaagad ng contractor. Delikado ‘yan dahil alam natin na, kumbaga, isang tao na lang ang pipili ng contractor at paano natin malalaman kung ‘yun ang pinakamura at pinakamagaling?,” pag-uusisa nito.
“Ang magiging issue dito sa mga proyekto na mga ito ay may patungkol sa pagplaplano kaya importante maaga pa lang pinaplano na, maaga pa lang tinitignan na natin ano ‘yung problema para mabigyan na ng solusyon bago pa dumating ‘yung problema. Kadalasan kasi sa atin naghahanap ng solusyon pag nandiyan na ‘yung problema e. Ang importante may solusyon na bago dumating pa ‘yung problema,” dagdag pa ni Gatchalian.
Kaugnay nito, sa kabila ng mga delay sa pagpapatupad ng proyekto sa ilalim ng BBB ay naniniwala itong walang failure ang pamahalaan.
“Para sa akin, hindi siya failure dahil noong nire-review itong mga projects, for example ‘yung mga projects ng public transportation, kahit na meron silang delays marami sa mga projects nag-uumpisa na at tuluy-tuloy ‘yung pagagawa at sa mga ganitong malalaking projects marami talagang moving parts,” dagdag pa nito.
139