(NI ABBY MENDOZA)
KASUNOD ng inaasahang landfall ng bagyong Ramon, ilang lugar ang isinailalim na sa Storm Warning Signal No 2 ng Philippine Atmospheric and Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ayon sa Pagasa, napanatili ng bagyong Ramon ang lakas nito.
Itinaas na ang Storm Signal No 2 sa Cagayan, Northern portion ng Isabela, Apayao, Kalinga at Northern portion ng Ilocos Norte.
Ayon sa PAGASA ang mga nasa signal No 2 ay makakaranas ng lakas ng hangin na aabot sa 61kph hanggang 120kph sa loob ng 24 oras.
Nasa Signal No 1 naman ang nalalabing lugar sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Mountain province, Ifugao, Northern Aurora at nalalabing bahagi ng Isabela.
Sa monitoring ng Pagasa, ang sentro ng bagyo ay namataan 160 km sa silangan hilagang-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan, taglay nito ang lakas ng hangin na 85 kph, bugso na 105kph at kumikilos sa bilis na 10kph.
Nagbabala ang Pagasa sa mga daraanan ng bagyo na maging alerto dahil lalakas pa ang bagyong Ramon habang papalapit ang pagtama sa lupa.
Sa araw ng Miyerkoles lalabas ng bansa ang bagyong Ramon.
Nakataas din ang gale warning signal at ipinagbabawal ang paglalayag sa seaboards sa mga lugar na nasa ilalim ng storm warning signal gayundin sa Southern Luzon.
Samantala, sinabi ng Pagasa na isa pang sama ng panahon ang papasok sa PAR sa loob ng 24 oras,huli itong namataan 1,605 km sa silangan ng silangang-Visayas.
166