(NI DANG SAMSON-GARCIA)
BINANTAAN ni Senador Bong Go ang mga namamahala sa hosting ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games na mananagot kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mga aberyang nangyayari bago pa man ang opisyal na pagsisimula ng Palaro.
Sa kanyang privilege speech, ipinaalala ni Go na ang lahat ng ahensya na sangkot sa hosting ay may kanya-kanyang tungkulin kaya’t wala anya siyang nakikitang dahilan upang sabihing hindi handa ang bansa.
“Noong naghahanda tayo sa Southeast Asian Games, may kanya-kanyang mandato ang gobyerno. Ang Office of the President, Senate at Congress, nagbigay ng lahat na kakailanganing pondo at suporta para sa hosting kung kaya walang rason para sabihin na hindi tayo handa,” giit ni Go.
Mistulang binanatan din ni Go si Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC) Chairperson Alan Peter Cayetano sa mga naranasang aberya ng mga atleta.
“Hindi apology ang kailangan natin ngayon. Hindi ito madadaan sa apology lamang. Ang kailangan ay gisingin lahat. Huwag papatay-patay,” diin ni Go.
“To all the parties, tandaan ninyo: Ang kapalpakan ng isa ay kapalpakan natin lahat. Let me remind everyone that you will be answerable to the President and most especially to the Filipino people,” dagdag pa ng senador.
Kasabay nito, nanawagan din ni Go sa lahat na magkaisa muna sa pagsuporta sa mga atletang Pinoy upang makamit ng mga ito ang kanilang tagumpay.
Subalit tiniyak na sa pagtatapos ng lahat ng kaganapan ay magpapatawag ng imbestigasyon para sa mabusisi ang mga pangyayari.
“As the Chair of the Committee on Sports and a member of teh Blue Ribbon Committee, handa po tayo na mag-imbestiga sa mga kapalpakan na mangyayari sa hosting natin sa Southeast Asian Games,” diin nito.
273