WARAYNON NAGBANTANG GAGANTI VS NPA

PUNA

MAY paglalagyan ngayon ang mga rebeldeng/teroristang New People’s Army (NPA) na may kagagawan ng pananambang sa mga pulis na pati sibilyan ay nadamay sa Brgy. Libuton sa bulubunduking area ng Brgy. Libuton, Borongan City noong “Friday the 13th”.

Nagngingitngit sa galit ang Waraynon sa ginawa ng kanilang mga kamag-anak ng grupong kaaway ng gobyerno na itinuturing na teroristang NPA.

Ang mga taga-Eastern Samar ay tanyag na matatapang dahil sa nangyaring giyera ng Waraynon vs Americans noong panahon ng mga Amerikano.

Hindi nagtagumpay ang mga baril at machine gun ng mga Kano laban sa mga Sundang (itak) ng mga Waray.

Suko ang lahi ni Uncle Sam vs lahi ni Mang Juan.

Kilalang matatapang ang mga Estehanon o taga-­Eastern Samar na lumalaban nang harap-harapan kahit nag-iisa lang, lalo na ‘pag may karapatan na ipinaglalaban.

‘Pag nagkataon ang nangyaring giyera ng Waraynon vs Amerikano ay baka maulit na naman laban sa mga binansagang teroristang NPA.

Kaya sila binansagang mga terorista dahil sa kanilang hindi makataong pagtrato sa mga ordinaryong mamamayan sa kanayunan.

Sila mismo ang nang-aapi sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pag-agaw ng mga ari-arian na magustuhan nila, maging ang mga proyekto ng gobyerno ay sila mismo ang humaharang.

Sabi nga ng mga Pinoy, hindi na prinsipyo ang ipinagla­laban ng NPA kundi pagmamalabis na sa taumbayan ang kanilang ginagawa.

Imbes na tulungan nila ang mga kawawang magsasaka sa kanayunan ay sila pa mismo ang nang-aapi.

Tulad ng pangyayaring pananambang nila sa Brgy. Libuton, hindi lang puwersa ng gobyerno ang kanilang pinerwisyo kundi maging ang mga ordinaryong sibilyan.

Kaya ngayon ang tanong ng Waraynon, dapat bang balewalain ang ginawa ng mga teroristang NPA?

Sagot naman ng iba hindi! Pulbusin sila!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo//operarioj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)

124

Related posts

Leave a Comment