2020 DISASTER FUND TINAPYASAN SA SENADO, KAMARA

(NI BERNARD TAGUINOD)

BAGAMA’T palakas nang palakas ang mga bagyo at madalas na rin ang paglindol dahil sa climate change, lumiit naman ang pondong inilaan ng gobyerno sa disaster fund sa susunod na taon.

Sa bicameral report na kapwa inaprubahan ng Senado at Kamara,  umaabot na lamang sa P7.5 Billion ang inaprubahan ng mga senador at congressmen na disaster fund sa ilalim ng 2020 national budget.

Nabawasan ito dahil sa kasalukuyang taon, P20 Billion ang pondo na pantulong sa mga biktima at mga local government na biktima ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo.

Base sa orihinal na panukala ng Malacanang o ang National Expenditure Progam (NEP), P16.5 Billion ang ipinanukala na Disaster Fund sa 2020 subalit pagdating sa bicameral conference committee ay ginawang P7.5 Billion na lang ito.

Hindi sumagot si House committee on ways and means chairman Joey Salceda na kabilang sa House contingent sa Bicam kung bakit binawasan ang pondo ng disaster fund.

Noong 2019, ipinanukala din ng Malacanang na P31 Billion ang disaster fund subalit P20 Billion lamang ang inaprubahan sa Bicam.

Mahalaga ang disaster fund dahil dito manggagaling ang pondo para sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad tulad ng bagyo at lindol.

Dito rin kinukuha ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga imprastraktura na nasisira kapag nagkaroon ng kalamidad.

 

161

Related posts

Leave a Comment