(NI CHRISTIAN DALE)
WALANG nakikitang koneksiyon ang Malakanyang sa ginawang pagpapaliban ni Vice President Leni Robredo ng kanya umanong gagawing ‘expose’ sa drug war ng administrasyon at sa pokus na dapat gawin ng gobyerno para sa mga naging biktima na paglindol sa Southern Mindanao.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, wala sa lugar ang pakikisimpatiya ng Bise Presidente gayung hindi naman aniya titigil ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan kahit magsalita o ibunyag nito ang umano’y kanyang nadiksubre sa drug war ng pamahalaan.
Inihayag ni Panelo na halatang nais lang na makakuha ng atensiyon ni Robredo nang inanunsiyo nitong ipagpaliban na lang muna ang kanyang press briefing habang ipinangangalandakan naman ang 40 page report patungkol sa sinasabi niyang ‘discovery’ sa anti-illegal drugs campaign ng gobyerno.
Ang hinahanap aniya ni Leni, ani Panelo, ay magandang “timing” sa gitna ng inaasam -asam nitong mabigyan siya ng atensiyon habang pinipilit aniya ang kanyang sarili na maging relevant.
Buwelta pa ni Panelo kay Robredo, ni wala nga itong narinig sa Malakanyang na anumang paratang o akusasyon sa mga panahong nawawala ito noong Pasko ng 2016 na dito ay binabayo ng malakas na bagyo ang kanyang sariling bayan sa Naga.
188