BAGONG BUHAY SA 2020

FOR THE FLAG

Ang 2020 ay punom-puno ng pag-asa para sa maraming Filipino. Ito ay nangangahulugan ng pagsisimula, ng pag­huhubad ng mga nakaraang pagkakamali at nang maging pagpapatawad.

Hindi na minsan lamang na nagsisi, tinanaw ang kakapusan sa nakaraang taon, mga pagkakataong hindi napagtuunan ng tamang atensyon, mga pagsubok na lalo pang nagpalakas sa pananampalataya, mga kaibigang napatunayang tunay at mga pagpupun-yaging kundi man hinitik ng biyaya ay biyaya na rin dahil may natutunan.

Ang mga Filipino ay likas na lumalaban sa buhay ng may pagtitiis, ngiti at tuwa maging sa gitna ng mga hambalos ng buhay. Ganyan ang Filipino, parang kawayan na yuyukod sa halibas ng bagyo ngunit muli at muli ay tumatayo ng may pagpapakumbaba.

Marami ang nangamatay na dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga, maraming poot na nasindihan ngunit maraming pintuan din ang bumukas para sa pagpapalaya mula sa hawla ng droga.

Marami ang nahuli ganun din ang mga sumuko sa awtoridad, marami ang nagbago. Mga nagtatangkang magbago at marami din naman ang nabigo. Ngunit dahil sama-samang sinusuong ng sambayanan ang dilim tungo sa liwanag ay may tapang na umiigkis sa mga pulso, kumakabog ang mga dibdib ngunit dahil na rin sa pag-asang makakasumpong ng liwanag na yayakap sa kaluluwa.

Ang tao ang gumagawa ng sarili niyang langit at impyerno, kung nanaisin mong maging impyerno ang iyong buhay ay ngayon pa lamang ay impyerno na, ngunit kung nanaisin mong maging langit ang buhay ay ngayon pa lamang ay langit na.

Huwag makakagawa ng masama laban sa kap-wa upang huwag ding umani ng kasamaan, iyan ang batas ng buhay, at ang bawat isa ay walang kawala diyan.

Ganoon din naman na kung makagagawa ng mabuti sa kapwa ay anupa’t kabutihan din ang aanihin. Ganyan ang batas ng buhay at kalikasan, walang kawala ang lahat diyan.

Lingid sa kaalaman ng marami ay napapaligiran tayo ng mga pwersa ng buti at maging ng mga pwersa ng kasamaan, ang buti ay nakakakilala sa buti, at ang kasamaan ay nakakakilala sa kasamaan.

Pag-ibig at kapayapaan ang itinanim ng pagkamatay at pagkabuhay ng Panginoong Hesus noon, nawa’y umusbong ito sa puso at buhay ng bawat Filipino. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

145

Related posts

Leave a Comment