PHL SPORTS 2019: MAKASAYSAYAN, MATAGUMPAY

(NI VT ROMANO)

MAGANDA ang naging pasok ng 2019 sa Philippine sports at lalong maganda ang naging pagtatapos nito.

PACQUIAO PANALO; DONAIRE TALO
Bumalik sa American soil si eight-division world champion Manny Pacquiao nang labanan si Adrien Broner noong Enero sa Las Vegas.

Iyon ang muling pagtapak ni Pacquiao sa Amerika matapos ang dalawang taon, kung saan sinubukan niyang lumaban sa Australia at Malaysia.

Tinalo ng Fighting Senator si Broner sa pamamagitan ng unanimous decision at napanatili ang regular WBA welterweight crown na kanyang talunin si Lucas Matthysse sa Kuala Lumpur noong Hulyo 2018.

Ito ang nagsilbing pagbabalik ng Pambansang Kamao sa US boxing scene.

Sinundan ito ng malaking panalo noong Hulyo, nang kanyang dominahin ang dating undefeated na si Keith Thurman, upang tanghaling super champion ng 140-lb division.

Sa nasabing dalawang laban ni Pacquiao sa US, sinaksihan ito ni Floyd Mayweather. Kaya muling nagkaroon ng haka-hakang magkakaroon ng rematch sa pagitan ng dalawa.

Kung matatandaan, ang kanilang 2015 showdown ay isang napakalaking blockbuster sa kasaysayan ng professional boxing.

Pero, kung si Pacquiao ay tagumpay sa kanyang dalawang naging laban, bigo naman si Nonito Donaire sa kanyang tangkang angkinin ang IBF at WBA bantamweight crowns.

Natalo si Donaire kay Japanese ‘Monster’ Naoya Inoue sa kanilang World Boxing Super Series sa Saitama, Japan.

ANCAJAS’ 8TH TITLE DEFENSE; CASIMERO CHAMP ULIT

Matagumpay namang napanatili ni Jerwin Ancajas sa ikawalong sunod na pagkakataon ang kanyang IBF super flyweight crown sa Puebla, Mexico.

Nanaig si Ancajas via 6th round TKO laban kay Miguel Gonzales.
Muli namang tinanghal na world champion si Johnriel Casimero matapos niyang ma-TKO sa 3rd round ang paboritong si Zolani Tete sa sagupaang ginanap sa Birmingham, England.
Si Casimero ay dating IBF junior at flyweight at WBO interim champion.

 1ST OLYMPIC TICKET KAY OBIENA

Naging unang Filipino athlete si EJ Obiena na nakakuha ng tiket para makasabak sa 2020 Tokyo Olympics.
Humablot si Obiena ng gold medal sa isang tournament sa Chiara, Italy makaraang magtala ng 5.81-meter leap.
Ang 6’1” pole vaulter ay nilampasan ang Olympic qualifying standard na 5.80-meter.
Ang reigning Asian campion ay ni-reset din ang kanyang personal best at national record na 5.76 meters.
Kasunod nito, ipinamalas ni Obiena ang husay nang angkinin ang gold medal at magtala ng bagong SEA Games record na 5.45 meters sa katatapos na biennial meet.

YULO, GYMNAST WORLD CHAMP AT OLYMPIC QUALIFIER

Sa unang pagkakataon ay narinig ang Philippine national anthem sa world gymnastics stage, nang ipagkaloob ni Carloe Edriel Yulo ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa world championship sa Stuttgart, Germany.
Wagi ang 19-anyos na si Yulo sa paborito niyang event na men’s floor exercise sa World Artistic Gymnastics Championship.
Bukod dito, naging ikalawang Filipino athlete si Yulo na nakasungkit ng tiket para makasabak sa Olympic Games sa Tokyo.
Hindi rin nagpahuli si Yulo sa SEA Games. Katunayan, siya ang most bemedalled athlete sa hinakot na dalawang ginto at limang silver medals. Siya rin ang may pinakamalaking naibulsang insentibo.

 6TH AT 96TH NG NU LADY BULLDOGS

Hindi nagpaawat ang National U Lady Bulldogs ni coach Patrick Aquino, nang angkinin ang ikaanim na sunod na UAAP women’s basketball title at ika-96 sunod na panalo, na nagsimula noon pang 2014.
Tinalo ng Lady Bulldogs ang UST Tigresses, 66-54 sa Game 2 ng best-of-three series.

ARRIBA LETRAN @ NCAA SEASON 95

Masasabing pinakamalaking upset na nangyari sa Philippine sports ang pagkaka-dethrone ng Letran Knights sa 4-peat seeking San Beda Red Lions, para angkinin ang Season 95 ng NCAA men’s basketball championship.
Tinalo ng Knights sa dikitang 81-79 do-or-die Game 3 ang Red Lions sa MOA Arena, na tumapos ang three-year reign ng San Beda.
Ito rin ang unang titulo ng Letran sapul nang magkampeon noong 2015, kung saan ang noo’y five-year run ng San Beda ang pinutol ng Knights.

BLUE EAGLES, KAMPEON PA

Sa simula pa lamang ng UAAP Season 82, ang defending champion Ateneo Blue Eagles na ang inasahang muling magkakampeon.

At iyon nga ang nangyari.

Winalis ng Blue Eagles ang first at second round ng elimination, upang dumeretso sa finals at nag-abang na lang ng makakasagupa.

Walang naging oposisyon ang tropa ni coach Tab Baldwin, na nagtala ng perpektong 16-0 record.

Hindi pinaporma ng Ateneo ang UST, 86-79 sa Game 2 ng Finals.

Binuhat ni Thirdy Ravena at ng Nieto twins, Matt at Mike ang Ateneo sa 3-peat, bagay na nabigong gawin ni Kiefer noong panahon niya bilang king Blue Eagle.

GILAS PILIPINAS DEBACLE @ WC

Kung mayroong pinakamalaking kabiguang natamo ang Pilipinas sa 2019, ito ay ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup sa China.

Bokya ang tropa ni coach Yeng Guiao matapos matalo sa kamay ng Italy (108-62), Angola (84-81), Iran (95-75), Serbia (126-67) at Tunisia (86-67).

Ang national team ay binuo nina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Game Norwood, Paul Lee, Andray Blatche, Raymond Almazan, Roger Pogoy, CJ Perez, Kiefer Ravena, Troy Rosario, Mark Barroca at Robert Bolick.

Pagbalik sa Pilipinas, agad nagbitiw si Guiao bilang head coach ng national team at inako ang responsibilidad sa bigong kampanya sa China.

Bunga nito, hindi rin nakakuha ng slot ang Pilipinas para sa 2020 Tokyo Olympics.

SEA GAMES OVERALL CHAMPION

Pinakamagandang regalong natanggap ng Pilipinas bago magsara ang 2019 – – ang overall championship sa SEA Games.

Humakot ng 149 gold medals ang mga atletang Pinoy sa 30th edition ng biennial meet, upang angkinin sa ikalawang pagkakataon ang kampeonato, na unang nakamit noong 2005 na ang Pilipinas din ang host.

Gaya ng dapat asahan, nagdeliber ang mga atletang tulad nina gymnast Carlos Yulo, pole vaulter EJ Obiena at iba pang tracksters, weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal, national boxers sa pangunguna ni Eumir Marcial, ang mga pambato sa sepak takraw, dancesports, billiards, arnis at iba pa mula sa combat sports.

Bumawi ang Gilas Pilipinas men’s team, nang walisin ang 5×5 event.

Na-sweep ng Pilipinas ang basketball event, nang magwagi rin ang men at women’s 3×3 teams.

Habang ang women’s 5×5 team ay tinanghal na kampeon ng rehiyon sa unang pagkakataon.

Sa kabuuan, halos puro positibo ang naganap sa Philippine sports.

Babaunin ng mga magandang pangyayaring ito sa pagpasok at pakikibaka muli ng mga atleta sa 2020.

 

 

229

Related posts

Leave a Comment