(NI KIKO CUETO)
POSIBLENG muling magbalik ang mahina o walang tulo ng tubig sa gripo dahil hindi pa rin sapat ang mga pag-ulan para punan ang kakulangan ng imbak na tubig sa Angat Dam.
Sa ngayon, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 202.6 meters.
Mas nababa ito sa 212 meters na normal high water level.
Ito rin ang itinuturong dahilan ng National Water Resources Board kaya’t hindi nila maibalik ang water allocation na46 cubic meters per second mula sa kasalukuyang 40 m³/s, sa Manila Water at Maynilad.
“Kailangan po nating ma-manage ang supply para mapaabot… hanggang sa summer po, bago po ang mga pag-ulan. Kaya sa ngayon po, hindi pa ho natin maibabalik sa normal na alokasyon,” sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. sa panayam sa DZMM.
“Posible po talagang magpapatuloy iyong hindi normal na serbisyo ng tubig para sa kababayan po natin,” dagdag nito.
Nagkaroon ng rotational water service interruptions sa Metro Manila mula noong October 2019.
Nitong Marso, walang tumulo na tubig sa gripo sa malaking bahagi ng Metro Manila nang bumagsak sa below critical level ang tubig sa Angat Dam.
315