INDON HOSTAGE PUPUGUTAN NG SAYYAF

abu

(NI AL JACINTO)

ZAMBOANGA CITY – Nagbanta ang Abu Sayyaf na papatayin ang isang Indonesian hostage kung hindi magbabayad ng ransom ang employer o ang Jakarta kapalit ng buhay ng biktima.

Nagpadala ng video clip ang Abu Sayyaf sa employer ni Samsul Sanguni, 40, at doon ay makikita itong nakaluhod sa loob ng hukay sa kagubatan at nakatali ang mga kamay sa kanyang likuran at umaapela sa kanyang kumpanya.

Bantay-sarado ng mga armado si Sanguni habang ito ay umiiyak at humihingi ng tulong na mailigtas sa tiyak na kamatayan.

Si Sanguni at ang kasamahang si Usman Yusuf ay dinukot sa karagatan ng Sabah malapit sa Gaya Island sa bayan ng Semporna town at dinala sa Sulu, isa sa mga limang lalawigan sa Muslim autonomous region. Si Yusuf, 35, ay pinalaya ng Abu Sayyaf noong nakaraang buwan lamang sa Barangay Bual sa bayan ng Luuk matapos na umapela sa Malaysia ang Chief of the Indonesian Consul-General’s Office sa Sabah na si Sulistijo Djati Ismojo upang tumulong na mailigtas ang mga Indonesian hostages.

Hindi mabatid kung magkanong ransom ang ibinayad sa Abu Sayyaf kapalit ng buhay ni Usman, ngunit noong Setyembre lamang ay tatlong Indonesian hostages na sina Hamdam Salim, Subandi Sattuh at Sudarlan Samansung –na dinukot sa karagatan ng Sabah – ay pinakawalan noong Enero 2018 sa grupo nina Nur Misuari, ang lider ng Moro National Liberation Front (MNLF) at sa asawa nitong si Tarhata; at kasama ang ex-Indonesian army general na si Kivlan Zein.

Kamakailan lamang ay dinukot din ng Abu Sayyaf ang tatlo pang mga crew ng isang Indonesian fishing boat sa Sabah na sina Heri Ardiansyah, 19; Jari Abdullah, at Hariadin, 45.

Patuloy na tina-target ng Abu Sayyaf ang mga Indonesian fishing crew dahil sa pagbabayad ng ransom ng kanilang mga kumpanya sa Jakarta. Bihag pa rin ng Abu Sayyaf ang halos isang dosenang mga dayuhan at Pinoy.

 

167

Related posts

Leave a Comment