MALINAW na pang-iinsulto sa mga Filipino ang naging pahayag ng iBON Foundation at ng ilang kritiko ng kasalukuyang administrasyon na umanoy nabibigyan lamang daw ng maling datos o impormasyon ang publiko kayat nakakuha ng +72 points o excellent net satisfaction rating si Pangulong Rodrigo Duterte sa survey ng Social Weather Stations bago matapos ang 2019.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, matalino at marunong kumilatis at mag-analisa ang mga Filipino hinggil sa kung ano at alin ang totoo at maling impormasyon na kanilang natatanggap.
Ayon kay Andanar, mas mainam na tingnan muna ng mga bumabatikos sa mga maayos at matagumpay na proyekto ng pamahalaan bago ang mga ito magpukol ng mga maling bintang.
Iginiit ni Andanar na maraming naisakatuparang proyekto at natupad na pangako ang Duterter administrasyon na hindi lang talaga matanggap ng mga kritiko nito.
Ilan sa mga ito, ayon sa presidential communications secretary, ay ang Universal Health Care Law at free tertiary education na talagang marami na aniya sa mga pilipino ang nakikinabang.
Idinagdag pa ni Andanar na kabilang pa ang pagpapatupad ng Train law na malaking tulong sa mga proyekto ng pamahalaan tulad ng Build, Build, Build Program ng pamahalaan. (Christian Dale)
138