PAGLABAS NG EBIDENSYA KINATATAKUTAN NI VP SARA – DE LIMA

GINAGAWA na umano ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang lahat ng paraan para hindi matuloy ang Impeachment trial dahil takot ito na lumabas ang mga ebidensya, hindi lamang sa kanya kundi sa amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ni incoming Mamamayang Liberal (MIL) party-list Rep. Leila de Lima ang pahayag dahil sa ‘galawan’ umano ng kampo ni Duterte kung saan ang pinakabago ay ang aksyon ng Office of the Ombudsman.

“You can say, they’re really scared. I mean VP Sara is scared. This is really cause for concern kasi ang pinaka-objective is hangga’t maaari hindi dapat magkaroon ng trial proper. Hangga’t maaari hindi dapat lumabas ang mga ebidensya,” ani De Lima.

Nagsimula aniya ito sa pagtatangka ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na idismiss ang article of impeachment kahit hindi pa ito dinidinig ng Impeachment Court na nauwi sa inaprubahang mosyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na iremand o ibalik ang articles of impeachment sa Kamara at inaatasan ang mga kongresista na maglabas ng sertipikasyon na hindi nito nilabag ang Konstitusyon sa pagpapa-impeach sa Pangalawang Pangulo.

Naghain din umano ng appearance “ad cuatelum” ang kampo ni Duterte sa Impeachment Court na ayon sa dating senadora ay may posibilidad na magkakaroon ng ‘procedural challenges” sa hinaharap.

Bukod dito, kinuwestiyon din aniya ng kampo ni Duterte sa Korte Suprema ang impeachment case nito at ngayon ay pumasok ang Ombudsman sa eksena at pinagpapaliwanag ang Pangalawang Pangulo sa kontrobersya sa confidential funds na posibleng maging daan para hindi magkaroon ng full-blown investigation ang Impeachment Court.

“Lahat ‘yan magkatugma-tugma. It could really part of the strategy, na ‘yan na nakikita na, nababasa na,” paliwanag ni De Lima.

Bukod sa mga ebidensya sa ilegal na paggamit sa P612.5 million sa confidential na ayaw ng kampo ni Duterte na ilabas ay posibleng natatakot din ang mga ito na maisapubliko ang bank transaction nito at kanyang ama na ayon kay dating Sen. Antonio Trillanes IV ay mahigit P2 billion na mula umano sa illegal drug trade.

“Kasama nga ‘yun. Kasama nga ‘yun sa charges. There are about two articles dun sa articles of impeachment na covered yan. And I think, isa yan sa mga bagay sa mga charges na takot si VP Sara,” ayon pa kay De Lima dahil bukod sa legal ay nagdeploy ang mga ito ng PR firm para makontrol ang naratibo at pigilan ang impeachment trial.

“So they’re doing everything. Sa legal side of course hiring a big firm and ang dami nila 16 lawyers. And then itong kanyang mga foreign trip blitz part of propaganda,” ayon pa dito.

(BERNARD TAGUINOD)

8

Related posts

Leave a Comment