LOLO NASUNUGAN GUSTO PANG HUTHUTAN; 3 BUMBERO KALABOSO

HUMANTONG sa karsel ang tatlong kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) makaraang madakip sa entrapment operation nang tangkaing huthutan ang isang nasunugang senior citizen sa Navotas City, nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa pulisya, dakong ala-1:30 kamakalawa nang damputin sa 81 Nicasio St., Brgy. San Rafael Village, Navotas City ang mga bumbero na sina SFO2 Benjamin Mabborang Jr., 47; FO1 Federico Sablay II, 28, at FO1 Kimberly Reyes, 29-anyos.

Batay sa reklamo ni Jessie Que, 67, ng 1 Faith St., Teresa, Brgy. Bahay Toro, Quezon City, humingi si FO1 Sablay ng halagang P100,000 kapalit ng Fire Incident Report at Recovery Permit para sa kanyang nasunog na garahe noong Pebrero 1, kaya’t dagling dumulog sa pulisya ang biktima.

Sa entrapment operation ay nasakote si FO1 Sablay nang tanggapin ang markadong P10,000 halaga mula sa biktima at dinampot din ang mga kasamang sina SFO2 Mabbborang at FO1 Reyes.

Dinala ang tatlo sa Navotas City Hospital para sa physical at medical examination at pagkatapos ay binitbit sa Navotas City Police Station.

Nakatakdang isailalim sa inquest proceeding ang tatlo sa City Prosecutor’s Office para sa kasong robbery extortion. (ALAIN AJERO)

150

Related posts

Leave a Comment