RIZAL – Patay ang isang rider nang sumemplang ang kanyang motorsiklo makaraang bumalagbag sa kanyang daraanan ang isang plastic barrier na tumalsik matapos mabunggo ng isa pang rider sa bayan ng San Mateo sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station (MPS), nangyari ang insidente dakong alas-7:45 sa kahabaan ng Gen. Luna St., Brgy. Guitnang Bayan 1, sa nasabing bayan.
Hindi umabot nang buhay sa Ynares Hospital si Jerry John Fernandez, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng rider na sakay ng ‘di naplakahang motorsiklo na bumangga sa plastic barrier na nagresulta sa pagkamatay ng biktima.
Nabatid sa imbestigasyon, magkasunod na tinatahak ng dalawang motorcycle rider ang nasabing kalsada patungo sa bayan ng Rodriguez sa lalawigan ng Rizal, nang mabunggo ng suspek ang isang plastic barrier sa gitna ng kalsada.
Bunsod nito, tumalsik ang naturang plastic barrier at humarang sa daraanan ng motorsiklo ng biktima kaya sumemplang ito na nagresulta sa matinding pinsala sa kanyang ulo at katawan.
Isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival. (NICK ECHEVARRIA)
