PAGSASARA NG MGA POGO ITINULAK SA KONGRESO; P20-B NAGLAHO SA TAX CHEATERS

IMINUNGKAHI ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na isara na ang mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators at pauwiin na ang mga “tax-cheater” na ito sa kanilang bansa sa China.

Ginawa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mungkahi sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos lumabas na umaabot sa P50 Billion ang hindi nababayarang buwis ng mga POGO operator sa bansa noong nakaraang taon.

“Shut down operations and send home all ‘tax-cheat’ Philippine Offshore Gaming Operators in the country,” ani Barbers dahil habang walang lusot aniya ang mamamayang Filipino sa pagbabayad ng buwis ay patuloy namang nandadaya sa buwis ang mga dayuhang ito.

Lumabas sa Senate hearing na aabot sa P17 hanggang P18 Billion ang franchise tax na hindi nabayaran ng mga POGO sa bansa noong 2019 bukod sa P30 Billion na withholding taxes.

Hindi rin umano nangyari ang sinasabi ni PAGCOR Chairman Andrea Domingo na aabot sa P20 Billion ang income tax na makokolekta sa mga POGO sa bansa bukod sa buwanang P1.25 billion na value added tax mula sa POGO workers.

Subalit noong 2019 aniya, umaabot lamang sa P5 Billion ang nakolekta ng gobyerno sa mga POGO. “Nasaan na yung higit sa P20 bilyong piso na revenues na sinasabi nila,?” tanong ng mambabatas.

Dahil dito, kailangang magdesisyon na umano ang gobyerno at isara na ang mga POGO sa bansa dahil hindi sumusunod ang mga dayuhang ito sa batas at patuloy na dinadaya ang mga Filipino. BERNARD TAGUINOD

191

Related posts

Leave a Comment