ISANG balikbayang lalaki ang kauna-unahang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Zambales.
Ayon kay Dr. Noel Bueno, head ng Zambales Provincial Health Office, ang nasabing pasyente ay isang 73 taong gulang na retired US Navy at residente ng Barangay San
Gregorio sa bayan ng San Antonio.
Base naman sa datos na ibinigay ni Dr. Bueno, ang nabanggit na pasyente ay may travel history mula lalawigan ng Cavite hanggang sa lungsod ng Maynila noong Marso 13 bago ito umuwi sa Zambales noong Marso 15 kung saan ay nakaranas na ito ng mga sintomas gaya ng lagnat at pagtatae.
Sinabi rin ni Bueno na naunang nagpatingin ang pasyente sa Our Lady of Lourdes International Center sa lungsod ng Olongapo, doon ito idineklarang ‘PUI’ o ‘Person Under Investigation’ ngunit dahil sa kawalan ng bakanteng kwarto ay ini-refer ito sa Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa Iba, Zambales kung saan isinagawa ang
pagkolekta ng sample at iba pang protocol. Pinauwi rin ang naturang pasyente noong araw na iyon at pinayuhang sundin ang ‘strict home isolation’.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng contact tracing ang Provincial Health Office sa mga nakasalamuha ng pasyente.
Ayon sa mga kamag-anak ng pasyente, Oktubre pa noong nakaraang taon ito nakauwi sa bansa mula sa bansang America.
Nasa maayos na kondisyon umano ang pasyente at nasa mahigpit na pagbabantay ng IATF ng San Antonio. JAY-CZAR LA TORRE
