WALANG tigil ang panawagan ng mga kaibigan nating lider-manggagawa sa hanay ng uring manggagawa na bigyan ng P10,000 pondo bilang panggastos nila sa panahong ipinatutupad ang isang-buwang “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon, sapagkat makatwiran at karapat-dapat ang kanilang panawagan sa administrasyong Duterte.
Ang isa pang magandang panawagan ay iyong hiniling ni Senadora Grace Poe sa administrasyong Duterte na ilabas at gamiting ayuda ang P17 bilyong pondo ng Department of Transportation (DOTr) sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay Poe, ang P17 bilyong pondo para sa mga programa at proyekto ng DOTr para 2020 ay malabo nang magamit ngayong taon dahil sa pandemyang novel coronavirus disease – 2019 (COVID–19).
Hindi naman ‘tama’ o ‘makatwiran’ kung ipapasa ito sa badyet para sa 2021 dahil muling mag-uusap ang mga mambabatas para sa panibagong badyet ng pambansang pamahalaan at mga kasapi ng Kongreso para sa susunod na taon.
Sa ngayon, ang pinakamagandang gawin ay ang mungkahi ni Senadora Poe sa pamahalaan na gamitin at ipamahagi sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon ang labingpitong bilyong piso.
Ani Poe, higit na mainam “[If] we … realign these funds (referring to P17 billion DOTr funds for this year’s programs and projects) for the benefit of our transport drivers whose earnings are severely affected due to the enhanced [community] quarantine.”
Kumbinsido akong wasto at makabulahan ang panawagan ng senadora na pinuno ng Senate Committee on Public Services.
Ang unang batayan ng panawagan ni Poe ay ang pag-suspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng pampublikong transportasyon sa Luzon alinsunod sa pagpapatupad ng “social distancing” sa panahong ipinaiiral ang ECQ upang mapigilan ang pagkalat at pagpasa ng COVID–19 mula sa isang tao tungo sa iang tao.
Marami na ring lalawigan sa Visayas at Mindanao ang ipinatigil ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan dahil ang kani-kanilang mga pamahalaang lokal ay nagdeklara na rin ng 30-araw na community quarantine o lockdown.
Dahil dito, hindi lang tumigil sa paggalaw ang industriya ng pampublikong transportasyon, kundi literal na tinamaan ang kabuhayan ng mga tsuper.
Sa datos na hawak ng Senate Committee on Public Services, nasa 130,000 ang bilang ng mga jeepney driver at mayroong 65,000 na tsuper sa transport network vehicle service (TNVS) sa buong bansa.
Sa Kalakhang Maynila, humigit-kumulang sa 13,000 ang mga tsuper ng bus at 47,000 naman ang namamasada ng motorcycle taxi.
Ang ikalawang batayan ni Poe sa pamamahagi ng P17 bilyon ng DOTr ang kapapasang batas na “Bayanihan to Heal as One” kung saan inaatasan si Pangulong Duterte na gamitin ang pondo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang na ang DOTr, bilang pondo sa paglaban at pagsugpo ng COVID–19 at mabigyan ng suportang pinansiyal ang mga mahihitap na Filipino.
Tulad ng mga manggagawa, ang mga tsuper ng pampublikong transportasyon ay kabilang sa mga mahihirap na Filipino. NELSON BADILLA
164
