HINIKAYAT ng Inter-Agency Task Force on Infectious Diseases (IATF) ang mga concerned local government units (LGUs) na magpalabas ng executive order (EO) o ordinansa na nag-aatas na magsuot ng face mask ang mga taong lalabas ng bahay.
“Concerned LGUs are hereby enjoined to issue the necessary executive order or ordinance to that effect, and impose such penalties as may be appropriate,” saad ni Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles, spokesman ng IATF.
Nabatid na ipatutupad na ng gobyerno ang mandatory na pagsusuot ng face mask kapag lalabas ng bahay ang mga residente na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa Coronavirus 2019 (COVID-19).
Ani Nograles, ito ay para maprotektahan ang sarili at iba laban sa COVID-19.
Samantala, minamadali na ng gobyerno para ma-maximize ang kagamitan ng mga frontliner na araw-araw nahaharap sa peligro habang tinutugunan ang pangangailangan ng mga COVID positive patient.
Sinabi ni Cabsec Nograles, kapwa kumikilos ang Department of Science and Technology at Philippine Textile Research and Institute para sa produksiyon ng may 5 daang libong
reusable face mask.
Aniya, maaaring labhan o washable ang mga ginagawang face mask ng DOST at PTRI na tiyak aniyang makatutulong sa mga health worker sa gitna ng nararanasang kakapusan ng personal protective equipment.
Matatandaang, inanunsiyo ng DOST ang inisyal na produksiyon ng 26,000 test kits na ikakalat sa ilang ospital gaya ng PGH, Makati Medical Center, The Medical City at Vicente Sotto Memorial Medical Center.
Sa kabilang dako, kasama rin sa mababahaginan ng test kits ang Southern Philippines Medical Center at Baguio General Hospital. CHRISTIAN DALE
