(Video by LUKE LUCAS)
UMAABOT sa P27 milyong halagang ng pinaniniwalaang shabu na nakatago sa mga lata ng tomato sauce ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang illegal na droga na may bigat na apat na kilo ay nakalagay sa dalawang kahon at ide-deliver umano sa isang residente sa Barangay San Roque, Navotas City.
Galing umano ang bagahe sa Las Vegas City, Nevada, USA. Sinabi ni PDEA Central Luzon Regional Director Atty. Gil Pabilona na matapos nilang ma-intercept ang droga sa airport ay nagsagawa umano agad sila ng controlled delivery upang dumiretso ang item sa consignee.
Isang Edna Valenzuela ang nakatanggap ng bagahe ngunit iginiit nito na hindi niya alam na shabu ang laman ng package.
Gayon man, sinabi nito na isang kaibigan ang nag-utos sa kanya na tanggapin ang delivery kapalit ng pera. Si Valenzuela at ang kanyang 22-anyos na anak na babae, na nakaalalay sa kanyang nanay para umano sa kakailanganing dokumento, ay nasa pangangalaga ng awtoridad.
Nagsasagawa na ng followup operation ang PDEA upang mabatid kung saan galing ang source ng droga.
304