PAG-ANGKAT NG 300K TONELADANG BIGAS, PIGILAN

TUTOL ang isang mambabatas sa planong pag-angkat ng daan libong tonelada ng bigas ng Department of Agriculture.

Isang malaking katanungan ang nais iparating ni Magsasaka Party-list Representative Argel Cabatbat sa pamahalaan kaugnay sa nasabing plano.

Ayon kay Rep. Cabatbat, bagamat plano pa lamang ng Department of Agriculture na umangkat ng aabot sa 300,000 metric tons ng bigas para tiyaking sapat ang supply ng bigas ay mas makabubuti kung sa mga Pilipinong magsasaka ibuhos ang pondong ipambibili sa labas ng bansa.

Pahayag ng mambabatas na nitong Abril, buo ang kumpiyansa ni DA Sec. William Dollente Dar na sabihing may sapat na kakayahan ang bansa para pakainin ang bayan hanggang matapos ang 2020. Binanggit ng mambabatas na buo rin ang suporta nila sa kagawaran noong iprisinta nila ang Rice Resiliency Project (RRP) at Project ALPAS bilang programang magtatawid sa mga magsasaka.

“Kung seryoso ang gobyerno sa planong pagpapalakas ng lokal na produksyon ng bigas ng 13.51 milyong tonelada para umabot sa target na 22.12 milyong tonelada, maliit na bahagi lamang ang 300,000 toneladang balak i-import ng DA,” ani Rep. Cabatbat.

Sinabi pa ng mambabatas na kung mabibigyan ng sapat na ayuda at proteksyon ang 200,000 magsasaka na hindi na nagtanim noong nakaraang planting season dahil sa Rice Tariffication Law, ang 4, 000 rice mills na napilitang magsara at ang milyun-milyong magsasakang nalugi sa pagpasok ng imported na bigas, hindi na kailangang umangkat pa sa ibang bansa.

Pagdating sa usapin ng pagkain, magkakasanga ang interes ng bayan – ang magsasakang hindi makapagtanim ay dagdag sa bilang ng mga Pilipinong gutom at walang trabaho at malaking kabawasan sa sektor ng agrikultura na may kakayahang masiguro ang seguridad ng pagkain sa Pilipinas. CESAR BARQUILLA

153

Related posts

Leave a Comment