HINDI biro ang pinagdaraanang hirap ng bawat Filipino sa dagok sa buhay na ibinigay ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nagmula sa Wuhan, China at kumalat sa buong mundo.
Sabagay, hindi lang naman ang Pilipinas ang lubhang naapektuhan subalit maging ang iba pang bansa, maliit o malaki, tulad ng Amerika, Espanya at Italya.
Buhay, kalusugan, kabuhayan, kaligayahan, kalayaan at iba pang mayroon tayo ay inagaw ng hindi nakikitang virus na kinatakutan ng marami.
Gayunman, dahil sa pagtutulungan ng bawat Filipino, pwera ang mga pasaway na kahit paulit-ulit na sabihan tumigil sa bahay upang di makahawa at mahawaan, ay mapagtatagumpayan natin ang pandemyang ito.
Salamat sa mga frontliner, kabilang ang mga health worker, pulis, sundalo, bumbero, volunteer, naghahatid ng mga pagkain at iba pang mga katulad nila na nagseserbisyo, sa pagbubuwis ng kanilang buhay at kalusugan at maging ang kanilang pamilya para lang maalagaan at mapaglingkuran ang sambayanang Filipino.
Ilang panahon na lang ay makakalaya na tayo mula sa ipinatutupad ng gobyernong enhanced community quarantine (ECQ) subalit ang paglayang ito ay mas higit na magbibigay sa atin ng mas malalim na pag-iisip kung paano natin maiaahon ang ating kabuhayan mula sa pagsadsad.
Kaya naman kapag natapos ang krisis na ito sa COVID-19 ay mas pahalagahan natin ang ating bansa, tulungan nating muling umangat ang ekonomiya nito.
Paano? Simple lang, tangkilikin ang sariling atin tulad noong Marcos Era kung saan hinihikayat ang mga Filipino na bilhin ang gawa sa ating bansa at pinalakas ang slogang “Buy Filipino-made products”.
Panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos nang makilala kahit sa buong mundo ang KKK o Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran na naglalayong paangatin ang kabuhayan ng mamamayang mahihirap.
Ito ang tamang panahon upang muli nating buhayin ang pagkakaisa at pagtutulungan sa pamamagitan nang pagtulong sa kapwa at sa gobyerno sa pagpapalakas ng kalakalan at turismo.
Kung nais nating mapabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya, sa halip na magbakasyon sa ibang bansa lalo at kasama ang buong pamilya, dito na lang sa magagandang bakasyunan sa Pilipinas, kumain nang sama-sama sa mga restaurant sa ating bayang sinilangan, sa halip na mga hotel na pag-aari ng mga dayuhan bakit hindi natin subukan ang mga pag-aari ng mga kapwa natin Pinoy, dalasan ang pasyal sa mga lokal na ‘tourist spot’ at bumili ng insurance sa mga kumpanyang Pinoy ang may-ari.
Ito ang mga paraang makatutulong sa mabilis na pagbawi ng ating ekonomiya.
Higit sa lahat, suportahan natin ang mga kumpanyang nahihirapang paangatin ang kanilang benta at lalong dapat nating tulungan ang mga kumpanyang hindi nagkait ng tulong at ayuda sa mga taong nangangailangan sa kasagsagan nang pananalasa ng pandemya.
Simple lang ang mga hakbangin na maaari nating gawin subalit magiging malaki ang epekto nito sa ating kapwa Filipino at sa ekonomiya ng bansa.
Tara na, kapwa Pinoy, kumilos na tayo para sa muling pagbangon at pag-asenso ng bawat Filipino.
