NANINIWALA ang isang mambabatas sa Kamara na kumikilos na naman ang sindikato sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) hindi upang makatulong sa mamamayan kundi para sa kanilang pansariling kapakanan.
Kasabay nito, isiniwalat ni Iloilo Rep. Janette Garin na kung mayroong pinakamahal na coronavirus disease 2019 o COVID-19 test sa mundo ay wala na umanong tatalo sa Pilipinas.
Binanggit ito ng mambabatas Sa kanyang privilege speech dahil sa mataas na package na itinakda ng PhilHealth na siyang pinagbatayan ng mga pribadong kompanya sa itatakda nitong presyo.
“Ito po, makikita po natin ngayon, P8,150 kung ikaw ang bibili ng kit at kung ikaw ang gagawa ng testing. P5,450 naman kung yung test kits ay donated. P2,710 naman kung yung laboratoryo ay pinagawa at donated ng iba at wala kang gastusin pati sa test kits,” ani Garin.
Malayong-malayo aniya ang presyong ito sa umiiral sa ibang bansa tulad ng China na umaabot lamang ng $20 o P1,000 habang sa $40 naman sa Singapore o katumbas ng P2,000.
“Sino po ba ang gumawa ng ganitong package? Natutuwa po tayo na kumilos ang PhilHealth. Pero hindi po nakakatuwa na gumawa sila ng package na masyadong mahal dahil ang pera po ng PhilHealth ay pera po ng sambayanang Pilipino na miyembro po ng PhilHealth,” ayon pa sa mambabatas.
Dahil dito, kinastigo ng mambabatas ang PhilHealth dahil sila umano ang nagpapamahal sa COVID-19 test na nagiging dahilan kung bakit kokonti lang ang nasusuring mamamayan.
Pinagdudahan din ng mambabatas ang muling pagkilos ng aniya’y sindikato sa ahensya. “Paano po ba ito ginawa? Sino ba ang talagang makikinabang dito? Alam ko pong tila ginagamitan na naman ng kung ano-anong medical terminologies ang testing packages sa PhilHealth para di mahalata at maikubli sa Presidente nito ang katotohanan. Tila yata may mafia o sindikato na siyang kanser sa ating PhilHealth.”
Nangangamba rin si Garin na lalong mauubos ang pondo ng PhilHealth dahil ibinubuhos umano ng mga ito ang pera ng mamamayan sa napakamahal na COVID-19 test. BERNARD TAGUINOD
