ABS-CBN exec, umamin sa House hearing TOTOONG AMERIKANO SI GABBY LOPEZ

INAMIN mismo ng pamunuan ng ABS-CBN na American citizen at may American passport ang kanilang dating chairman na si Eugenio “Gabby” Lopez III.

Sa pahayag ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at House Blue Ribbon committee, inamin nito na American citizen ang dating kapitan ng nasabing network.

“Totoo po na may US passport si Mr. Lopez. Ito ay dahil ipinanganak siya sa Amerika at sa batas ng Amerika, kahit hindi Amerikano ang magulang mo, kapag ipinanganak ka sa US, automatic po na may hawak ka rin na American citizenship.

Pero ang pagiging American citizen niya, at ang paghawak niya ng US passport, ay hindi nangangahulugan na hindi rin siya isang Pilipino,” pahayag ni Katigbak.

Mistulang pinatotohanan ni Katigbak ang alegasyon ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na Amerikano ang may-ari ng ABS-CBN sa katauhan ni Gabby Lopez na nagsimulang maging opisyal ng network noong 1986.

Subalit ayon kay Katigbak, nakasaad aniya sa 1935 Constitution, “na kapag ang iyong tatay o magulang ay Pilipino, ikaw ay isang Pilipino from birth” kaya si Lopez, “Ang tatay at nanay niya ay parehong Pilipino. Kaya from birth, automatic na siya ay isang Pilipino din,” ani Katigbak.

“Malinaw po na ang reference nito ay Section 1, Article 4 ng 1935 Constitution na nagsasabi na: the following are citizens of the Philippines—those whose fathers are citizens of the Philippines,” dagdag pa nito.

Gayunpaman, kinukuwestiyon ni Marcoleta ang pagiging opisyal ni Lopez sa ABS-CBN dahil mahigpit na ipinagbabawal aniya sa Saligang Batas na isang dayuhan ang magmay-ari sa isang network sa Pilipinas.

Si Lopez ay naging director ng ABS-CBN noong 1986 at kalaunan ay naging general manager ng network bago naging president at CEO mula 1993 hanggang 1997 at naging chairman mula 1997 hanggang 2018.

Habang siya ang nangangasiwa sa network, naghain ito ng petisyon para maging Filipino na naaprubahan lamang noong 2002 o anim (6) na taon habang siya ang chairman ng network. BERNARD TAGUINOD

KUSANG NAGSARA

Samantala, hindi ipinasara kundi kusang nagsara o nagpinid ng kanilang pintuan ang ABS-CBN gayung maaari naman umano nilang labanan ang CDO o cease and desist order na ipinalabas ng National Telecommunications Commission (NTC).

Ito ang nilinaw ni Marcoleta sa naturang pagdinig noong Lunes sa prangkisa ng ABS-CBN.

“Mayron pong nagsabi sa kanila… puwersahan po ang pagsasara sa ABS-CBN… hindi po. Sa record po, boluntaryo po sila na nagpinid ng kanilang istasyon. Wala pong nagpuwersa sa kanila. Kung talagang lalaban sila sa korte, hindi po sila nagsara,” ani Marcoleta.

Magugunita na noong Mayo 5 ay nag-sign-off ang ABS-CBN matapos matanggap ang CDO ng NTC, isang araw pagkatapos mapaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 4, nang hindi maaprubahan ang kanilang franchise renewal application.

Ayon kay Marcoleta, kung nilabanan lang ng ABS-CBN ang CDO ng NTC ay nanatili ang mga ito sa ere hanggang ngayon subalit mas nais nilang magsara.

“Tama na naman si Speaker Cayetano kasi po kahit kayo ay maka-receive ng cease and desist order, wala naman po, halimbawa court order na kinuha, kahit sinong taong pupunta sa kanila, eh bakit kami magsasara…mayron ba kayong court order? Dapat nilaban nila,” ani Marcoleta.

Kabilang sa mga humarap sa nasabing pagdinig sa pamamagitan ng zoom si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, kung saan inamin nito na pinapayagan ng mga ito na magpatuloy ang operasyon ng mga broadcast network na paso na ang prangkisa.

“However, In this case po, given insurmountable constitution and legal obstacles to these approach, the desired…can no longer continue. Absent a law allowing the same,” ani Cordoba. BERNARD TAGUINOD

386

Related posts

Leave a Comment