Opinyon ng OSG ginagamit para makaiwas sa buwis PALUSOT NG POGO OPERATORS, SINOPLA

SINOPLA sa mababang kapulungan ng Kongreso ang depensa umano ng ilang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na hindi sila dapat singilin ng 5% na franchise tax dahil nakabase ang kanilang negosyo sa ibang bansa.

Ayon kay House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers, mistulang ginagamit na ng ilang POGO operators ang legal opinion ng Office of the Solicitor General (OSG) para makaiwas sa pagbabayad ng franchise tax.

Base sa legal opinyon ng OSG, lahat ng gaming firms na nakabase sa ibang bansa ay hindi dapat singilin ng 5% franchise tax at ito umano ang ginagamit ngayon ng ilang POGO operators para makaiwas sa nasabing buwis.

Sa ngayon ay mayroon aniyang 60 POGO operators sa Pilipinas subalit 10 lamang sa mga ito ang nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) at may physical presence sa Pilipinas.

“All these PAGCOR-licensed POGOs, including the 10 that are registered with the SEC, are either domestic or foreign corporation registered to do business in the Philippines and there is no question that they are clearly subject to 5 percent franchise tax,” ayon sa mambabatas.

Sa mga hindi aniya rehistrado sa SEC, kailangan pa ring magbayad ang mga ito ng 5% franchise tax dahil may physical operations ang mga ito sa Pilipinas kahit nakabase sila sa ibang bansa kaya mas lalong dapat magbayad ang mga ito ng buwis.

Patunay rito ang kanilang mga nirentahang pasilidad, mga dinalang kagamitan at mga manggagawa mula sa China kaya hindi maaaring sabihin ng mga ito na wala silang physical presence sa bansa.

Sa ilalim aniya ng Presidential Decree (PD) 1869 o ang PAGCOR charter, malinaw na nakasaad na lahat ng uri ng pasugalan na nag-o-operate sa bansa ay dapat magbayad ng 5% franchise tax sa license fees at hindi sinabi dito na libre sa nasabing buwis ang gaming firms na nakabase sa ibang bansa subalit nag-o-operate sa Pilipinas.

Noong 2019, umabot sa P50 Billion ang hindi binayarang buwis ng mga POGO operator kaya dapat aniyang habulin ang mga ito lalo na ngayong kailangan ng gobyerno ang pondo para sa paglaban sa COVID-19 pandemic. BERNARD TAGUINOD

327

Related posts

Leave a Comment