NAKAPANGHIHINAYANG naman ang ginawang pagtanggi ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra sa nominasyon sa kanya ni dating Sandiganbayan Associate Justice Raoul Victorino na maging isa sa mga mahistrado o Associate Justice ng Supreme Court.
Ang kagaya ni Sec. Guevarra ang isa sa maituturing din na karapat-dapat na maging mahistrado ng kataas taasang hukuman dahil na rin sa angkin nitong dunong at bihasa sa mga usaping legal na maaring sandigan ng katotohanan pagdating sa aspetong legal.
Ang mga kagaya ni Sec. Guevarra ay malaki ang maitutulong sa hudikatura lalo na’t ang korte suprema pa naman ang huling sandigan sa mga masalimuot na usapin ng mga umiiral na batas ng bansa.
Nakasaad sa tugon ng kalihim na isinumite sa makapangyarihang Judicial and Bar Council na bagama’t nagagalak at karangalan aniya niyang mairekomenda bilang susunod na mahistrado ng Korte Suprema, subalit ikinalulungkot niyang tanggihan ang nasabing nominasyon para sa naturang posisyon.
Sa kanyang nilagdaang isang-pahinang liham, sinabi nito na pangarap aniya ng bawat abogado na maka-akyat at maging isa sa mga mahistrado sa pinakamataas na korte sa bansa, at ang nominasyon sa kanya ay nagbukas ng landas upang ituloy niya ang nasabing pangarap, na maituturing anya niyang huling pagkakataon na rin dahil sa mga new rules on appointment na inilatag ng Supreme Court (SC) na pinaiiral ng Judicial and Bar Council (JBC), kung saan siya ay miyembro pa nga nito.
Ayon kay Sec. Guevarra na nanghihinayang din siya na ang pagkakataon ay dumating sa panahong kailangang-kailangan ang kanyang serbisyo bilang kalihim ng DOJ.
Dahil nahaharap aniya sa dambuhala at hindi inaasahang krisis ang pamahalaan dulot ng COVID-19 pandemic, at sa panahon aniyang ito higit na kailangan na mapreserba at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng bansa kung kaya kailangang-kailangan ang kanyang serbisyo para dito.
Marahil ang mga taong takot sa bagong nilagdaang batas ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na Republic Act 11479 o mas kilala sa tawag na Anti-Terrorism Act of 2020 ang mga taong ayaw madisplina.
Kasi para sa akin kung ikaw naman ay law abiding citizens ay wala kang dapat ikatakot sa mga pinaiiral na batas ng bansa dahil nirerespeto mo ang iyong kapwa at ang kanilang kapakanan at hindi ka pasaway.
At ang mga taong yan lagi na lang ginagawang propaganda ang diumanoy paglabag sa karapatang pantao, na animoy sila ang tagapagtanggol ng sambayanan, ngunit kung susuriin mo naman wala namang ginawa ang mga ito para sa bayan kundi puro reklamo laban sa pamahalaan, pampagulo at mga masasamang propaganda ang alam at mga walang kasiyahan dahil kahit sino ang maupong pangulo ng ating bansa ay mayroon silang disgusto!!
Samantala, inaksyunan naman ng SC EN BANC ang mga inihaing petition ng mga tutol sa RA 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 kung saan pinagkukumento ng Supreme Court ang ehekutibo kaugnay ng mga inihaing petition o pagkuwestyon sa nilagdaang bagong batas ng pangulo.
Batay sa kautusan ng Supreme Court binigyan lamang ng Sampung (10) araw ang ehekutibo upang isumite ang kanilang kumento.
Kung saan ini-utos din ng SC EN BANC na pagsamahin o pag-isahin na lamang ang lahat ng mga petition na may kaugnayan sa bagong batas na RA 11479.
