INIHAYAG ni Senador Nancy Binay na nilimitahan ng Malacañang ang bilang ng mambabatas na makadadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng ikalawang regular session ng 18th Congress.
Sa Zoom press conference, sinabi ni Binay na Palasyo rin ang magtatakda ng health at safety protocols upang maiwasan magkaroon ng hawahan sa dadalo.
Hindi pa malalaman sa ngayon kung may mga imbitadong opisyal ng gobyerno, miyembro ng diplomatic corps, iba pang lider-negosyante at dating pangulo ng bansa.
“Malacañang ang magtatakda ng protocol saka 50 kongresista at 8 senador lang ang pinayagang dumalo. ‘Yan ang huling napag-usapan bago mag-adjourn ang Senado,” ayon kay Binay.
Sinabi ni Binay na lahat ng senador, pinapapasok sa July 24 ng umaga sa pagbubukas ng sesyon sa Senado, at limitado rin ang makadadalong opisyal at empleyado ng mataas na kapulungan.
“Iyong hindi makadadalo sa SONA, pinag-online lang, saka apat lang sa secretariat ang makadadalo,” ayon kay Binay.
Aniya, wala pang opisyal na listahan kung sino sa mga senador ang makadadalo sa SONA dahil pinag-aaralan pa ito ni Senate President Vicente Sotto III at ng secretariat.
Kaugnay nito, nakatakda rin siyang mag-recycle ng gown na gagamitin sa pagbubukas ng sesyon ng Senado, kaya’t hindi na kailangan pang magpagawa dahil limitado pa rin ang galaw ng mga mananahi.
Ipagbabawal din umano ang media coverage dahil naka-live stream naman ang buong sesyon sa Senado at sa mababang kapulungan.
Kamakailan, may empleyado ang naging positibo muli sa Senado. (ESTONG REYES)
