SANG-AYON si Magsasaka party-list Representative Argel Cabatbat sa pagkilalang ibinigay ni
Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address sa kahalagahan ng
pagprotekta sa sektor ng agrikultura upang pangalagaan ang kapakanan ng bansa.
Ayon kay Rep. Cabatbat, suportado nito sampu ng mga magsasaka ang panawagan ng Pangulo sa
pagsasabatas ng trust fund para sa magniniyog, rural agricultural and fisheries development
financing systems at ang seguridad at soberanya sa pagkain sa pamamagitan ng plant, plant, plant
program. Ang coconut farmers’ trust fund ay ang sagot sa kawalan ng hustisya at pagnanakaw ng
pondo mula sa mga magkokopra at inaasahang tanging paraan upang tuldukan ang isa sa
pinakamatandang problema ng agrikultura sa bansa.
“Sa simula pa lamang ng ating termino, malinaw na ang ating panawagan sa gobyerno: ang
pagsasaka at pangingisda ang pundasyon ng seguridad ng pagkain sa bansa at ang pagbuhos ng
pondo at ayuda sa maliliit at naghihirap na magsasaka at mangingisda ay ang pangunahing
solusyon upang tugunan ang deka-dekadang inhustisyang nangyari sa ating hanay,” saad ni
Cabatbat.
Kaisa rin ang mambabatas sa kampanya ng administasyon na buwagin ang sistemang oligarkiya at
kasama na roon ang industriya ng pagsasaka. (CESAR BARQUILLA)
