PLANONG obligahin na rin ng pamahalaan ang publiko na gumamit ng face shield sa mga pampublikong lugar bilang dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.
Bahagi rin ito ng “minimum health standards” para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.
“Magkakaroon po tayo ng stringent enforcement of minimum health standards. Ito po ‘yung hugas kamay, suot ng mask at social distancing, at pagsuot na rin…ng face shield,” ayon kay
Presidential spokesperson Harry Roque.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Trade Secretary Mon Lopez na kinukonsidera ng pamahalaan ang mandatory na pagre-require sa mamamayan ng pagsusuot ng face shields habang nasa
pampublikong lugar bilang dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.
“Ngayon po, pinag-aaralan din po ngayon… ‘yung wearing of face shields. Ito po yung isa pang mga kino-consider ng IATF na i-encourage na rin ang ating mga kababayan as an extra step para lumakas ang prevention at maiwasan ang transmission,” ayon kay Sec. Lopez.
Tinukoy ni Lopez ang isang pag-aaral, ang face shield ay maaaring makapagpigil ng 99% ng potential transmission lalo na kapag ginamit kasama ng face mask.
Samantala, sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na “by december” ay balik na sa normal ang sitwasyon sa bansa.
Ito’y dahil mayroon na aniyang vaccine laban sa COVID-19 na maaaring magamit ngunit kailangan lang dumaan pa sa ilang proseso bago mai-distribute.
“By december normal na. Wala nang new normal, new normal,” ayon sa Pangulo sa kanyang public address. (CHRISTIAN DALE)
