IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF- EID) ang pagtugon sa suhestiyon na gawing isang buwan ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Mega Manila na magtatapos sa Agosto 18.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na bahala na ang task force na magdesisyon sa panukalang nabanggit.
“It entails a delicate balancing of protecting and saving people’s health to protecting and saving the economic health of the nation,” ayon kay Sec. Roque.
Nauna rito, iginiit ng dating adviser ng Task Force on COVID-19 na kailangan nang magpatupad ng “one time, big time lockdown” o isagad na sa isang buwan ang MECQ sa Mega Manila para
magtuluy-tuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na mapababa ang bilang ng tinatamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Kung talagang MECQ ang gusto nila, isagad nila ng isang buwan tapos i-build up na ‘yung health care capacity. Magpa-flatten tayo ng curve,” pahayag ni Dr. Tony Leachon.
Sinabi ni Leachon na dapat ay walang “gap” kaya kung sagarin na ang lockdown ay pagkakataon na para ihanda ang publiko sa inaasahang pagdating sa Disyembre ng COVID-19 vaccine na may time frame na 3 buwan.
Naniniwala si Leachon na may local transmission dahil sa kabila ng pagtaas ng testing rate, nasa 11.9 porsyento ang nagpopositibo. Inihalimbawa niya ang Cebu na dating may 33 porsyentong
positivity noong Hunyo na matapos isailalim sa ECQ ay bumaba sa 7 porsyento.
Samantala, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, chairman ng NTF on COVID-19 na pinag- aaralan nila ngayon kung maaaring luwagan na ang pinatutupad lockdown protocol sa kalakhang Maynila.
“I think we are ready to go down,” ani Lorenzana sa isang panayam.
Nabatid na pinagbasehan ng kalihim ang nakitang pagbaba ng coronavirus infections sa may 3,000 new cases nitong nakalipas na linggo kumpara sa halos 6,000 daily hike ng mga nagdaang araw.
“We cannot continue with the MECQ kasi nga alam na natin kung nasaan iyong areas na may infection. Iyon ang tutukan natin so that the others can go to work,” paliwanag pa ng opisyal.
Kinakailangan lang umano na tukuyin ang mga barangay o lugar na may coronavirus outbreak at yun ang i-lockdown sa halip na buong siyudad ang ilagay sa quarantine.
Kaugnay nito, nilinaw ni NTF Against COVID-19 Co-Chairman, Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nananatiling kontrolado ng Pilipinas ang pagsugpo sa pandemiya.
(CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)
