KINUMPIRMA ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na may mga testigo at resource persons na haharap sa ikalawang pagdinig ng Senado para patunayan ang mga sinasabing katiwalian sa PhilHealth bukod pa sa mga bagong ilalabas na iregularidad.
Sinabi ni Sotto na kabilang sa haharap sa pagdinig ang isang dating opisyal ng PhilHealth na maglalantad ng mga nalalaman nito sa mga iregularidad.
Kasabay nito, kinumpirma ni Sotto na hihilingin nila sa Department of Justice na isailalim sa Witness Protection Program ang mga testigong sina Atty. Thorrson Keith, Alejandro Cabading at Etrobal Laborte bukod pa sa pagbibigay ng seguridad sa mga ito.
Kinontra naman ni Sotto si PhilHealth President Ricardo Morales at iba pang opisyal ng ahensya na nagbanta ng paghahain ng libelo at iba pang kaso laban kay Keith.
“Definitely pananakot lang yun, bad move pati yung threat ng libel bad move. Ang Panginoong Diyos hindi natutulog pag gusto kang magkamali, magkakamali ka,” saad ni Sotto.
Kinatigan naman ni Sotto ang aksyon ni Morales na maghain ng medical leave subalit hindi anya ito magiging hadlang sa posible nilang paghahain ng kaso kaugnay sa mga iregularidad. (DANG SAMSON-GARCIA)
