Niyayari ng mga korap sa PhilHealth – PACC P3 BILYON KADA LINGGO

INIHAYAG ni Presidential Anti-Corruption Commission chief Greco Belgica na maituturing na “mula ulo hanggang paa” ang korapsiyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil aabot sa P3 bilyon ang ipinalalabas nito kada linggo.

Sa kanyang testimonya sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate committee of the whole sa anomalya sa PhilHealth, sinabi ni Belgica na marami na silang naimbestigahang ahensiya at opisyal ng pamahalaan, pero kakaiba sa ahensiya.

“Madami na kaming inimbestigahan, kinasuhan, pinatanggal at pinakulong, pero ang isyu ng PhilHealth: Grabe po ito. Grabe ang nakawan, grabe ang kakapalan, grabe ang kawalanghiyaan,” ayon kay Belgica sa ginanap na pagdinig.

Dumalo si Belgica sa pagdinig sa imbestigasyon ng Senado dahil marami itong hawak na dokumentong magpapatunay sa korapsiyon sa PhilHealth.

“Mula ulo hanggang paa ang corruption,” giit niya.

“Ito ang unang isyu na kailangan nating i-address ngayon dahil P2 billion hanggang P3 billion ang inilalabas ng PhilHealth linggu-linggo ay exposed sa corruption,” dagdag niya.

Nauna nang inirekomenda ng PACC ang pagsibak o pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa 36 PhilHealth officials sanhi ng malawakang korapsiyon.

Sinabi ni Belgica na nawala sa PhilHealth ang aabot sa P153 bilyon simula noong 2013 hanggang 2018 sanhi ng fraud.

Aniya, naisasagawa ang insurance fraud dahil sa kawalan ng transparency at paunang balidasyon ng claims ng members at healthcare providers (HCP).

Iginiit pa ni Belgica na nagsasagawa lamang ng random post-audit kaya nagiging imposibleng ma-awdit ang claims dahil mga pinaghihinalaang claims lamang ang sinusuri.

Inirekomenda ni Belgica sa Senado na mapaunlad ng PhilHealth ang IT at legal system nito.

“Dahil sa nakawan, namimeligro tayo na mawalan ng pondo. Paulit-ulit ang imbestigasyon pero walang nababago,” giit niya.

HINDI IBINULSA

Tiniyak naman ng isang opisyal ng PhilHealth na hindi nila ibinulsa ang sinasabing P15 bilyong nawala na parang bula sa kaban ng ahensiya taliwas sa alegasyon.

Sa kanyang testimonya sa nasabi ring pagdinig, mayroon umanong mga resibo na magpapatunay na tinanggap ng mga health care institution sa iba’t ibang panig ng bansa ang hinahanap na pondo.

“All the releases have been provided with receipts. IRM was not pocketed by anyone as alleged,” ani Atty. Roberto Labe Jr. sa ginanap na pagdinig.

Ayon kay Labe, naipalabas ng PhilHealth ang halagang P14.971 bilyon sa lahat ng 711 health care institutions (HCIs) sa buong bansa.

Sinabi pa ni Labe na nagpalabas ang regional offices ng halagang P13.197 bilyon sa 402 pribadong HCIs at 146 government HCIs.

Kaugnay nito, inihayag din niya na nagpalabas ang head office ng halagang P1.774 bilyon sa 103 pribadong ospital at 60 public hospital. (ESTONG REYES)

125

Related posts

Leave a Comment