SCHOOL BUILDINGS GAGAMITIN DING QUARANTINE FACILITIES

PINAPAYAGAN ng Department of Education na gamitin ang public schools bilang quarantine facilities hanggang katapusan ng taon.
Ito’y dahil na rin wala namang face-to-face classes ngayon.

“Dahil nga ang target natin ay minimum 10 ang ite-trace natin — at kung meron tayong 6,000 new cases, that means 60,000 (contacts) — gagamitin natin ang mga public school. Pumayag naman po si Secretary Leonor Briones na gamitin ang mga public schools hanggang December 31 ng taong ito,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Nauna rito, kinansela ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang physical classes simula pa noong Marso matapos kumpirmahin ng Department of Health ang local COVID-19 transmissions.

Noon pa man ay pinayagan na ng DepEd ang local governments na gamitin ang public schools bilang quarantine sites para sa mga suspected COVID-19 patients, na may pahintulot ng regional heads at ‘subject’ sa terms and conditions.

Habang sarado naman ang mga campus na limang buwan na ngayon, ay itinutulak ng DepEd ang blended learning kung saan bahagi ang paggamit ng virtual, radio, TV, at printed modules — para sa public elementary at high schools simula Agosto 24.

Nauna rito, nais ng DepEd na ipagpatuloy ang school-based learning sa low-risk areas, subalit nagdesisyon si Pangulong Duterte na ipagbawal ang lahat ng face-to-face classes hanggang ang bakuna kontra coronavirus ay available sa lahat ng mga Filipino.

Samantala, sinabi ni isolation czar at Public Works Secretary Mark Villar na naghahanda ang pamahalaan ng 300 quarantine facilities na mayroong mahigit 2,000 beds sa pagtatapos ng buwang kasalukuyan. (CHRISTIAN DALE)

117

Related posts

Leave a Comment