KAHIT kailan, hindi nawawala ang illegal gambling sa Quezon City.
Ito ang pagtitiyak ng mga residente at mga reporter na nakabase sa lungsod.
Ayon sa mapagkakatiwalaang sources ng Saksi Ngayon, isang alyas “Peryong” ang siyang may kontrol ng ilegal na mga sugal sa Quezon City ngayong ang alkalde ng lungsod ay si Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte.
Hindi raw “basta-basta pwedeng magpasok” ng kahit anong sugal sa lungsod kung hindi aprubado ni alyas Peryong.
Kahit video karera machine na maramihan ang puwesto tulad ng negosyo ng isang alyas “Recto” ay kailangang dumaan kay alyas Peryong.
Si alyas Recto ay beterano na sa negosyo ng VK kung saan ang kanyang matatawag na ‘kaharian’ ay ang buong North Metro Manila, o CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela).
Noong panahong si Mayor Herbert Bautista ang alkalde, okey ang operasyon ni alyas Recto sa lungsod.
Namamayagpag din ang mga jueteng lord tulad ni alyas “Don Ramon.”
Kaya ganito, hindi ito kontrolado ng isang tulad ni alyas Peryong, ayon sa sources.
Sa panahon ni Bautista, walang problema basta pumayag ang Quezon City Police District (QCPD) at matiyak ang lingguhang tara, birada ng sources.
Ngayong panahon ni Belmonte, hindi nakaporma si alyas Don Ramon, ayon sa sources, dahil ayaw pumayag ni alyas Peryong.
Sa kasalukuyan, tigil ang jueteng sa lungsod dahil walang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dulot ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Ngunit, kahit makabalik na ang STL ay siguradong hindi mailalarga ang jueteng operations gamit ang STL bilang prente ni alyas Don Ramon at iba pa dahil tutol si alyas Peryong.
Ngayong malaki ang problema ng administrasyon ni Mayor Joy Belmonte sa COVID-19, nagsimula umano ng operasyon ng “Peryang Bayan” sa lungsod.
Ayon sa sources, si alyas Peryong ang nasa likod ng illegal gambling sa peryang bayan na ito.
Nakapasok na rin umano ang “online sabong” ni alyas “Ato” sa Quezon City.
Ayon sa sources, imposibleng walang basbas ito ni alyas Peryong dahil ang mamang ito nga ang nasusunod pagdating sa mga operasyon ng ilegal na sugal.
Ang online sabong ni alyas Ato ay nakabase sa Maynila.
Ayon sa sources, nakipagkasundo umano si alyas Peryong sa taong hindi lang bahagi ng administrasyong Belmonte kundi masasabing ‘susing tao’ sa city hall sa larangan ng ilegalidad upang
matiyak na kontrolado, o kopo, ni alyas Peryong ang illegal gambling sa lungsod.
Ang “lakas” at “otoridad” ni alyas Peryong sa administrasyon ni Belmonte ay hindi basta-basta mawawala dahil ‘namuhunan’ ito sa kandidatura ni Belmonte sa pagkaalkalde.
Hindi lang solido ang suporta ni alyas Peryong sa kandidatura ni Belmonte laban kay dating Quezon City First District Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo, kundi si alyas Peryong ang isa sa mga humaharap at kumakausap kapag nagkaproblema si Belmonte sa media at iba pang sektor noong panahon ng kampanya.
Naniniwala ang sources ng Saksi Ngayon na sa ganitong kaayusan ngayon sa lungsod, malabong makaporma ang isang alyas “Jess” kay Peryong upang takdaan ng lingguhang tara ang huli.
Si alyas Jess ang ‘pumutok’ na pangalan ng bagman/kolektor ng isang opisyal sa Quezon City Police District (QCPD).
Pumutok ang pangalan ni alyas Jess nang maipasara nito ang illegal gambling sa Cubao dahil umangal ang operator nito sa ‘napakalaking lingguhang tara’ ng naturang bagman.
Dahil hindi makaporma si alyas Jess, ang ‘regular na nakukuhaan’ nito noong wala pang COVID-19 ay ang mga operator ng sugal-lupa tulad ng drop ball, color games at iba pa, ratsada ng sources ng Saksi Ngayon.
Nasisingil din ni alyas Jess ng lingguhang ‘tara’ ang mga beerhouse, KTV Bar, o bahay-aliwan noong wala pang COVID-19, pero hindi kasali ang mga club na nakaugnay kay alyas Peryong. (NELSON BADILLA)
243