HINILING ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay dating National Bureau of Investigation Director Dante Gierran na huwag “kukurap” sa korapsiyon dahil mahaharap ito sa “high-level, deeply embedded corruption” Sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa pahayag, sinabi ni Drilon na dapat panatilihin niyang “bukas” ang kanyang mga mata sa katiwalian at tiyakin na magkaroon ng transparency sa ahensiya.
Ayon kay Drilon, masyadong na-perfect ng sindikatong mafia sa PhilHealth ang pangungulimbat ng pondo kaya nararapat lamang maging mapagmasid at matalim ang sipat ni Gierran sa sindikato.
“He should keep his eyes open – never blink – to corruption. A piece of advice: transparency is an effective tool to prevent corruption. I hope his leadership will finally shine a light on PhilHealth which operates in the dark,” ayon kay Drilon.
“He can enhance transparency by employing technology. He must oversee the upgrading of the system of PhilHealth to minimize, if not stop, corruption. He can contract out IT companies to carry out the digitization of PhilHealth,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Drilon na hindi sapat na magkaroon lamang ng balasahan sa pangunahing tauhan upang tugunan ang talamak na korapsiyon sa PhilHealth.
HUWAG PATAWARIN
Samantala, inihayag ni Senador Grace Poe na hindi dapat mapatawad ang sinomang opisyal ng PhilHealth na sangkot sa malawakang katiwalian at mismanagement kahit may pagbabago sa liderato nito.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na kailangan habulin pa rin ang mga tiwaling opisyal na responsable sa “pagkakasakit” ng PhilHealth.
“The change in leadership should not absolve those who will be found remiss in their obligations, which have brought the PhilHealth in its current ailing state,” ayon kay Poe.
“Dapat pa ring habulin at parusahan ang mga corrupt at nagpabaya sa tungkulin. Ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ay pagkakait sa ating mga kababayan ng kanilang karapatan sa maayos na serbisyong pangkalusugan,” dagdag pa ng senador.
Sinabi ni Poe na umaasa ang mamamayan na dapat hindi matatawaran ang integridad at competence ng isang taong mamamahala sa PhilHealth upang ipatupad ang mga drastikong institutional reforms. (ESTONG REYES)
137
